Gov. Daniel hiniling ang kooperasyon ng media sa laban sa COVID-19

0
139
TAKLESA, an opinion column by Roseth Reyes

INIPON ni Governor Daniel R. Fernando ang mga mamamahayag sa kanyang Official Residence noong nakaraang Huwebes matapos ang pagpapasinaya ng bagong PESO building at paggunita sa ika-94 taong anibersaryo ng kaarawan ni Gat. Blas Ople upang hilingin na suportahan ang Pamahalaang Panlalawigan sa laban nito sa coronavirus disease o COVID-19.

Hiningi ng gobernador sa mga lehitimong mamamahayag na nakabase sa Bulacan ang kooperasyon sa pagpapalawak ng kampanya ng pamahalaang lokal laban sa nakamamatay na virus sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa Provincial Task Force (PTF) on COVID-19 sa mga lumalabag sa mga health protocol na ipinatutupad ng national government’s Inter-Agency Task Force (IATF).

Ang panawagan ng gobernador ay kaugnay sa serye ng Executive Order No. 2 ng 2021 na nag-uutos sa mga organisasyon sa lalawigan na humingi muna ng pag-apruba mula sa Bulacan Provincial Task Force (PTF) on COVID-19 na pinamumunuan ni Gov. Fernando bago ang pagsasagawa ng anumang pagtitipon o mass gathering. upang maiwasan ang paglobo ng bilang ng nakamamatay na virus.

Ayon sa EO, upang isaalang-alang ang aplikasyon para sa pag-apruba ng pagsasagawa ng anumang pagtitipon, dapat isumite ng mga namamahala  hindi bababa sa 10 araw bago ang inilaan na petsa ng kaganapan, isang liham ang ipapadala sa Bulacan (PTF) on COVID-19 at nakalagay dito kung ano ang layunin sa gagawin na pagtitipon at kailangan na aprobahan ito.

Sinabi ng gobernador sa mga mamamahayag na mag-report sa mga awtoridad kung may nakita o nalamang lumalabag sa health protocol na pinapairal ng gobyerno.

Ipagbigay alam agad umano sa mga may kapangyarihan kung may nalamang pagtitipon o mass gathering na malinaw na lumalabag sa mga health protocol, dagdag pa ng gobernador.

Ayon pa kay Gov. Daniel, bilang mamamahayag ay kabilang din ito sa mga frontliner at isa ring maituturing na public servant at dapat silang magkaroon ng pakikilahok sa laban ng gobyerno pati na rin ang mga sibilyan sa pamamagitan ng pagiging maingat upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.

“Hindi po tayo dapat na kumampante. Kasabay ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID sa ating lalawigan, ilang lugar dito sa ating bansa ay nakararanas ng muling pagtaas ng kaso lalo na sa panahon ng Kapaskuhan. Upang maiwasan ang ganitong sitwasyon, hinihiling ko po ang mahigpit na pagsisimula nating lahat, at kooperasyon ng bawat isa, “dagdag ni Fernando.

Nanawagan din ang gobernador sa kanyang mga kapwa publikong tagapaglingkod sa lalawigan na itabi muna ang politika sa panahon ng nararanasang pandemya.

Giit niya na gawin muna ang kanilang trabaho bilang tagapaglingkod sa publiko sa halip na pag-usapan ang mga walang katuturang mga isyu sa politika na hindi makakatulong sa paglutas ng krisis sa kalusugan.

Kaya mga kapatid ko sa hanapbuhay na ito, suportahan po natin ang ating gobernador upang magapi natin ng sama-sama ang nakamamatay na virus.

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here