Gov. Fernando, doble kayod para mapigil ang pagkalat ng COVID-19

0
144

PUSPUSAN ang isinasagawang mga aktibidades ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gov. Daniel Fernando upang mapuksa at hindi na tuluyan pang kumalat ang nakamamatay na virus na COVID-19.

Kabi-kabila ang ginagawang pagpupulong at paghingi ng suhestiyon sa mga kinauukulan ng gobernador upang magkaroon at mabuo ang tamang plano at solusyon laban sa coronavirus.

Nang umabot na sa kaalaman ni Gov. Fernando na “napasok” na ng COVID-19 ang ilang mga opisina na sakop ng Capitol Compound at nasa ilalim ng pamamahala ng Provincial Government ay agad nitong inatasan na i-disinfect ang paligid ng Bakuran ng Kapitolyo at doblehin ang pagsisikap ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon bilang pag-iingat matapos makatanggap ng ulat na may mga nagpositibo sa virus sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat mula sa Inter-Agency Task Force, 14 na Persons Deprived of Liberty (PDL) o bilanggo at anim na operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na matatagpuan sa Camp Alejo S. Santos na nagpositibo sa COVID-19 ang nakabukod na ngayon, kaya naman kagyat na ni-lockdown ang nasabing tanggapan na nakapagsagawa na ng disinfection, close contact tracing at PCR testing sa mga na-expose sa mga kumpirmadong kaso.

Hindi naman totoo ang mga nababalitang naka-lockdown ang Bulacan Dialysis Center kundi isinara lamang ng dalawang araw upang magbigay daan sa disinfection.

Bukod dito, napag-alaman na ang mga abogado at tauhan ng Public Attorney’s Office o PAO na posibleng na-expose sa virus at nagpositibo sa rapid test ay nag-negatibo na umano sa swab test makalipas lang ng ilang araw.

Mabilis ding nagsagawa ng disinfection sa naturang tanggapan alinsunod sa alituntunin ng IATF.

Dagdag pa rito, ayon pa sa gobernador ay may 18 na mga bilanggo, tatlong jail guards at isang nurse ng Provincial Civil Security and Jail Management Office ang nagpositibo sa virus.

At bilang pag-iingat, pansamantalang ipinagbawal ni Ret. Col. Fernando Villanueva, pinuno ng PCSJMO ang pagdalaw ng mga bisita upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Samantala, isa umanong empleyado ng PHO-PH ang nakitaan ng sintomas at nagpositibo ang naka-quarantine na ngayon.

Agarang interbensyon din ang isinagawa kabilang ang disinfection ng tanggapan at pagpapatupad ng quarantine protocols, kung saan ang kanyang mga nakasaluha sa tanggapan ay na-contact trace, na-swab at sa ngayon ay naka-quarantine na rin.  

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here