Gov. Fernando, hindi kayang tawaran ang pagtulong kahit sa di Bulakenyo

0
122

KUNG pagtulong lamang ang pag-uusapan, hindi mo kayang tawaran ang ipinakikitang pagtulong ng ating Punong Lalawigan Daniel R.
Fernando sa kanyang mga kalalawigan, at hindi lamang sa mga Bulakenyo, kundi pati sa mga ’di Bulakenyo.

Alam naman nating lahat na nakararanas ngayon ng matinding dagok sa buhay ang mga kababayan natin sa lalawigan ng Batangas dahil sa biglaang pagputok o pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Kapag ganyang may sakuna, lalu na’t may kinalaman sa kalamidad, at nakapakaraming mga tao ang apektado, kilala na natin ang pinoy pagdating sa bayanihan, pagtutulungan at pagkakaisa. Kahit hindi mo sabihin, o utusan, may kusa tayo. Dyan mo naman talaga maaasahan ang Pilipino, pagdating sa pagtulong.

Ganyan ang ating Gob. Daniel R. Fernando, nakahandang tumulong palagi pagdating sa mga ganyang sakuna. Kaya nga personal niyang dinala sa lalawigan ng Batangas ang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, gaya ng bigas, mga delata, gatas, kape, tubig, face mask at marami pang iba upang magamit ng mga evacuees sa kanilang pang araw araw na pangangailangan.

Sabi nga ni Gob. Daniel, mapalad tayong mga taga-Bulacan dahil hindi natin nararanasan ang nararanasan ngayon ng mga kapatid nating Batangueño, kaya sa pamamagitan ng pagtulong at panalangin na nawa’y malagpasan nila ang matinding pagsubok na kanilang pinagdadaanan ngayon at maging daan tayong mga Bulakenyo na ipadama sa kanila na nandito tayo at hindi natin sila pababayaan sa lahat ng oras ng kanilang pangangailangan.

Nakahanda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na tulungan ang ating mga kababayan na sinalanta ng pagputok ng Bulkang Taal sa lahat ng oras.

Panalangin natin na humupa na ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal at ng makabalik na sa normal na buhay ang mga taga Region 4.

Panalangin din natin na huwag ng umabot sa alert level 5 ang aktibidad ng Bulkang Taal at tuluyan ng manahimik sa pagbuga ng abo o sulfur at nang hindi gumawak ang pinsalang idudulot nito sa lalawigan ng Batangas.

Sa mga inyong sumbong o suhestiyon, maaari po kayong magtxt sa aking Cellphone No. 0906-926-087 o sa 0932-857-8110, maaari din po kayong mag email sa omapad_1969@yahoo.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here