Hide-out ng mga suspek sa Manor Hotel robbery, ’di pa tukoy ng Pasay Police

0
569

BLANGKO pa rin ang mga otoridad sa pinagtataguan ng apat na mga armadong kalalakihan na nanloob at kinulimbat ang pinaniniwalaang halos may P4 na milyong pisong halaga ng mga salapi, alahas at kagamitan na pag-aari ng mga parokyano at ng hotel sa Pasay City noong ikalawang araw ng Enero ng kasalukuyang taon.

Gayunman, inilabas na ng tanggapan ng Pasay City Police Station nitong nakalipas na Lunes ang mga larawan at pagkakakilanlan ng naturang mga suspek makaraang looban at pagnakawan nila ang Mabuhay Manor Hotel sa kahabaan ng F. B.Harrison sa nasabing lungsod noong Enero 2, 2018 ng bandang alas-3 ng madaling-araw.

Nakilala ng mga kagawad ng pulisya ang mga suspek sa pamamagitan ng mga video footage ng mga closed circuit television cameras (CCTV) na naka-instala sa nasabing hotel sa kasagsagan ng oras na isinasagawa ng mga salarin ang krimen sa naturang establisyamento at sa mga larawang nasa rogue’s gallery ng Pasay City Police na kinilala ng mga saksi sa insidente.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Daniel Constantino, James Carl Palomo, Brent Michael Bravo at Norman Deyta na pawang lahat na may dati ng mga record ng robbery at murder sa talaan ng pulisya.

Matatandaan na lumutang ang anggulong inside job kaya nagawang mapagnakawan ng mga salarin ang naturang hotel dahil sa kahina-hinalang kilos umano ng mga naka-duty na guwardiya roon at kwestyunableng alam ng mga ito ang takdang oras na ipinapasok sa vault ang perang kinita ng hotel at pini-pickup ng armored truck.

Hindi pa rin malinaw kung sadyang may kinalaman ang mga guwardiyang nabanggit sa panloloob sa naturang hotel at kung isang grupo nga ba ng sindikato ang nasa likod ng krimen. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here