Home EXTRAFONTS Hindi hanap-buhay ang maglingkod sa barangay

Hindi hanap-buhay ang maglingkod sa barangay

48
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NITONG buwan ng Hulyo ay nanungkulan na ako bilang kalihim ng aming barangay. Bago ako maupo bilang barangay secretary ay inisip kong madali lang ang trabaho sa barangay pero nagkamali ako ng akala. Hindi pala biro ang magsilbi sa barangay lalo na kung ang posisyon mo ay kalihim.

Malayung malayo ang trabaho ng barangay secretary sa editor ng pahayagan. Sa unang araw ko sa barangay bilang kalihim, kailangang kuhanan ng tala o minutes ang unang sesyon ng mga kauupong kagawad ang kapitan ng barangay.

Pagtapos niyon ay gagawa naman ng katitikan alinsunod sa mga agendang tinalakay at napagtibay ng konseho. Kailangang ang tekstong susulatin sa computer ay nakabase sa libro ng Local Government Code of the Philippine, ang biblia ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan at ng barangay.

Kasunod niyon ang paggawa ng resolusyon tungkol sa mga bagay-bagay na pinagtibay sa sesyon tulad ng pagtatalaga ng barangay secretary, barangay treasurer, barangay tanod chief. Kalakip ng resolusyon ng pagtatalaga ang kasulatan ng paghirang sa mga itatalagang opisyales ng barangay na lalagdaan ng barangay chairman. Padadalhan naman ng kopya ng resolusyon at ng sertipiko ng paghirang ang municipal officer ng DILG para naman maihanda ang panunumpa ng kalihim, ingat-yaman at iba pa.

Matapos na maihanda ang naturang mga dokumento ay balik ulit sa mesa ang kalihim upang mag-isyu naman ng barangay clearance, indigency certificate, business permit, endorsement letter at pag-issue ng cedula ang kalihim ng barangay. Sa buong maghapon ay gayon ang kanyang gawain. May nakakatulong namang clerk ang barangay secretary.

Bukod pa rito ang pagba-blotter ng mga ng mga pangyayari sa barangay. Pagtanggap ng reklamo ng barangay residents at ang pag-iisyu ng subpoena sa mga taong inireklamo para sa paghaharap sa tanggapan ng lupong tagapamayapa. Naranasan ko minsan ang mainit na paghaharap ng mga taong nagreklamo at inireklamo. Kailangang alisto sa pag-awat ang nakatalagang barangay tanod dahil ang pagpapalitan ng kwento ng bawat panig ay nagiging mainit kung minsan.

Ilan lamang ang mga iyan sa mga aktibidad sa barangay. Tungkol naman sa honoraria na tinatanggap ng kalihim at ng iba pang opisyales ng barangay ay hindi sapat kung ang isang barangay official ay may malaking pamilya. Kaya napakalaking sakripisyo ang maging opisyal ng barangay dahil ang trabaho dito ay full time. Kadalasan nga kahit araw ng Sabado at Linggo ay may mga taong barangay na nangangailangan ng serbisyo ng barangay captain kaya pati ang barangay secretary ay hindi pwedeng mamahinga dahil nasa oras ng pagsisilbi ang kanyang kapitan.

Para sa akin na isa na ngayong kalihim ng aming barangay. Hindi biro ang manungkulan sa barangay. Ang mahalaga sa lahat ay nasa puso ang paglilingkod na hindi mababahiran ng katiwalian. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleTagumpay ng San Jose del Monte, ipinagdiwang
Next articleLeptospirosis, hindi lang sa ihi ng daga
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here