Home Batok sa Kaliwa, Suntok sa Kanan Hindi mga makina ang mga guro!

Hindi mga makina ang mga guro!

52
0
SHARE
An opinion column by Rolando S. Gamoso

MAY mga ilang teachers na nakakausap natin na nagrereklamo tungkol sa di umano’y ni-rerequire silang dumalo ng seminar sa araw ng Sabado at Linggo.

May mga time kasi na kapag nag-iiskedyul ng seminar ang mga nasa pamunuan ng DepEd sa isang schools division dito sa Region 1 ay isinasali nila ang Sabado at Linggo.

Tulad na lang sa isang 5-araw na seminar. Sa halip na umpisahan ito ng Lunes, nag-umpisa ito ng Miyerkules kaya nadamay ‘yun Sabado at Linggo. Meron din mga 2-3 days na seminar na itinatapat ang simula sa araw ng Biyernes kaya damay ang Sabado o kaya’y pati na rin ang Linggo.

Bagama’t labag sa kanilang kalooban na um-attend ng seminars sa mga araw na ito ay wala silang magagawa dahil ang utos ay galing mismo sa mga nakatataas sa kanila at may ‘memo’. Natatakot umano silang makasuhan ng insubordination kaya ‘go’ na lang sila nang ‘go’.

Bagama’t may service credits, mukhang hindi tama at hindi makatao na isama ang Sabado at Linggo sa mga araw ng seminar.

Ang Sabado ay para sa ‘rest day’ ng mga guro at araw ng paglalaba habang ang Linggo naman ay para sa ‘worship day’ o pagsimsimba at ‘bonding moments’ nila ng kanilang ng pamilya.

Ang karapatan ito ng mga guro at maging ang mga estudyante ay nakapaloob sa DO 105, series of 2010, Reiterating the Constitutional Right of DepEd Personnel and Students to free exercise of Religion.

Sabihin man ng mga nagpapatupad nito na hindi naman palagian, ang tanong paano kung habang tumatagal ay napapadalas na ang ganitong sistema? Kapag nangyari ito, sobrang kawawa ang mga guro. Wala na silang time na magsimba, maglaba, at makipag-bonding sa kanilang mga pamilya, tsk tsk tsk…

Ang mga ibang empleyado nga ng gobierno kung nag-iiskedyul sila ng seminar ay hindi kasama ang Sabado at Linggo, bakit sa hanay ng mga guro ay ginagawa nila ito?

Hindi po mga makina ang mga guro. Mga tao po sila kaya nakakaramdam sila ng pagod.

Sana naman po, hayaan na ang Sabado at Linggo para magpahinga at mag-enjoy ang mga guro.

Okey po ba? Sana nga…

Ang isa pa sa mga gusto nating talakayin tungkol sa mga semi-seminar na iyan ay kung bakit kapag nag-iiskedyul ng seminar at mga school activities ang isang schools division dito sa Ilocos Region ay madalas sabay-sabay.

Last week, mga 1-3 teachers lang ang naiwan sa isang eskuwelahan para magturo dahil yun mga iba, um-attend ng seminar.

At take note, Thursday to Sunday yun isang seminar habang yun dalawa pang ibang seminar ay Thursday to Saturday naman.

Dagdag pa riyan, may mga naka-schedule pang mga seminar sa mga susunod na araw. Gaya ng nauna, sabay-sabay din ang mga seminar na iyan.

Ang problema kasi, required na 1 intermediate teacher at 1 primary teacher ang kailangan um-attend sa mga seminar na ito.

Kaya naman sa isang small school na may 7-9 na teaching personnel (kasama na dito ang School Head), paano na kung 3-4 na seminars ang ilulunsad o gaganapin nang sabay-sabay ang eskedyul, may matitira pa kayang magtuturo sa mga bata?

Walang problema maging Monday to Friday man ang eskedyul ng seminar kung 1-2 teacher lang ang mawawala para um-attend ng seminar. Madali lang ‘yan masosolusyonan lalo pa kung meron naman relieving teacher pero ang problema ay kung ginawa nilang sabay-sabay ang mga seminar, siguradong 3 or more na teacher na ang mawawala. Hindi bale sana, kung 1-2 days lang pero paano kung 4 hanggang 5 days silang wala? Ibig sabihin niyan, 5 na araw na walang pasok ang mga bata dahil wala ang teacher nila at wala ding available na magtuturo sa kanila.

Sa mga pagkasabay-sabay ng mga paseminar na iyan, isang napakalaking problema iyan na dapat pagtuonan ng pansin. Higit na naapektuhan dito ang mga bata. Sila ang kaawa-awa dahil hindi na nagiging normal ang kanilang klase.

Dapat kasi ‘yun mga nag-iiskdyul ng seminar eh tinitingnan nilang mabuti ang mga eskudyul para wala ‘yun mga seminar na nagsasabay-sabay.

Hindi ‘yun kapag nakaisip sila ng eskedyul ay ‘yun na kahit may kasabay pa itong iba..

Tuloy, hilong-talilong ang mga school head sa pag-iisip kung sino-sino ang mga teaher na ipapadala nila sa mga seminar na iyan at kung sino o meron pa bang maiiwan sa kanilang mga eskuwelahan.

Isip-isip din, mga sir at mga ma’am, period! (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleLalaki, arestado sa shabu sa Candon City
Next articleNLEX Balagtas Northbound entry is now open to motorists
Si Rolando S. Gamoso ay naging Editor-In-Chief ng dating THE AMIANAN WEEKLY EXPOSE’, isang weekly newspaper na may sirkulasyon sa buong Region I, CAR at Region II. Naging reporter/news correspondent siya for Region I sa mga pahayagang tulad ng: DAILY BALITA, TANOD Newspaper, BOMBA, PINOY PARAZZI, at POLICE FILES TONITE. Sa ngayon ay reporter/columnist siya sa THE AMIANAN BULLETIN at THE ILOCOS HERALD, pawang mga local newspaper na circulated weekly sa Ilocos Region. Maliban sa pagiging aktibo niya sa print media, aktibo rin siya sa pagiging miyembro ng broadcast media.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here