Hindi tayo mapalagay sa ‘new normal’

0
182
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

KALAHATING taon na ang nakalilipas, habang sinasamyo natin noon ang mala niyebeng lamig ng panahon na dulot ng Siberian wind na nagbubuhat sa hilagang silangan na kung tawagin natin ay hanging amihan nang maitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas noong January 30, 2020.

Isang 38-anyos na Chinese female national ang kinumpirma na tinamaan ng coronavirus desease. Ang nasabing dayuhan ay na-confine sa San Lazaro Hospital sa Maynila at nakarekober din naman ayon da ulat. Sinundan din iyon ng pangalawang kaso ng COVID-19, kung saan isang 44-anyos na Chinese national ang dinapuan ng naturang sakit subalit nasawi ang naturang pasyente makaraang magka-kumplikasyon ng pneumonia.

Mula noon ay hindi na naging normal ang takbo ng buhay ng mga Pilipino. Ang puso ng ating mga kababayan ay nasidlan ng matinding pagkatakot lalo na nang ideklara ng World Health Organization (WHO) noong March 11, 2020 na isa nang world pandemic ang COVID-19 at kasunod niyon ay isinailalim din ang Pilipinas sa state of calamity dahil sa mabilis na paglaganap ng coronavirus na unang nairehistro sa National Capital Region.

Natikman na natin ang mahigpit na community quarantine na kung saan, tumigil ang maraming negosyo, pati na ang pampublikong transportasyon ay tumigil at maraming health protocols ang mahigpit na ipinatutupad ng LGUs hanggang sa makasanayan na natin ang kalagayang ayaw natin, subalit wala tayong magawa.

Sa ganang akin, mahirap talagang gumalaw sa kalagayan na kung tawagin ay ‘new normal’. Gustuhin man nating kumilos ng ayon sa ating nakagawian ay hindi na natin pwedeng gawin. Hindi tayo pwedeng lumabas ng ating mga tahanan ng walang suot na face mask at hindi rin pwedeng basta na lang pupunta sa malalayong lugar ng walang rasonableng dahilan dahil sa pandemya na ating nararanasan.

Sa aking palagay, lumalakad na tayo sa lilim ng ‘new normal’, bagama’t hindi pa pormal na idinideklara ng national IATF ang takdang petsa ng pagsasailalim sa maraming mga lugar sa Pilipinas sa ‘new normal’ at mahirap din naman na bumalik tayo sa mas mahigpit na community quarantine dahil malulumpo talaga ang ating ekonomiya.

Sinabi ko kong hindi tayo mapalagay na mabuti sa kasalukuyan nating kalagayan dahil hindi tayo makakilos ng naaayon sa sarili nating kagustuhan dahil may health protocols na kailangan nating isaalang-alang para na rin sa ating kapakanang pang kalusugan.

Marami sa ating mga kababayan ang nangangarap ng gising na sana raw sa isang umaga na kanilang paggising ay wala na ang COVID-19. Pero hindi pa tayo makatatakas sa kasalukuyang  realidad ng buhay. Sa tanggapin natin at hindi. Kikilos at gagalaw tayo kaakibat ang restriksiyon na ating isasa-alang alang dahil sa bawat paglabag na ating gagawin ay may kaakibat na kaparusahan. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here