Home Batok sa Kaliwa, Suntok sa Kanan Huwag bumili ng mga ‘patakbuhing’ Christmas lights

Huwag bumili ng mga ‘patakbuhing’ Christmas lights

29
0
SHARE
An opinion column by Rolando S. Gamoso

FIRST week na po ng December kaya ang mga tao ay abalang-abala na sa paglalagay ng mga Christmas decor sa kani-kanilang mga bahay. May mga lantern, belen, at siyempre pa nandyan ang Christmas lights.

Isa sa pinagmumulan ng sunog sa panahon ng Kapaskuhan ay ang mga Christmas lights.

Tuwing Christmas kasi, laging bumabaha ang mga depektibong Christmas lights.

Ito ‘yun mga “patakbuhing” Christmas lights na makikita sa mga pamihilihan na hindi dumaan sa quality control.

Kumpara sa orihinal, sobrang maninipis ang wire at bumbilya ng mga ito kaya madaling mag-init at mag-apoy. Kapag nadikit sa kurtina, simula na ng sunog.

Murang-mura lang ang Christmas lights na ito. Ang 100 lights ay P50 lang kumpara sa mga makabagong Christmas lights ngayon na LED type na ang 100 lights ay nagkakahalaga ng P500.

Ang mga Christmas lights na ito ay karaniwang ibinabagsak sa mga tindahan sa Divisoria, Carriedo, Cubao, Baclaran at iba pang pamilihan sa Metro Manila.

Mula sa mga bagsakan na ito, inaangkat naman ng mga negosyante at dinadala sa mga probinsiya para ibenta.

Dahil sa sobrang mura ang presyo nito kumpara sa mga presyo ng mga orihinal na Christmas light, mas tinatangkilik ito ng mga tao. Hindi na nila iniisip kung magdudulot ba ito ng kapahamakan sa kanila o hindi.

Bakit kaya parang tila walang magawang paraan ang Department of Trade and Industry (DTI) para mapigilan ang mga negosyanteng nagpapasok nito sa bansa?

Kung natatandaan pa ninyo, ang anak na babae ni dating House Speaker Jose de Venecia ay namatay noong Disyembre 2004 dahil sa sunog. Tupok sa apoy ang bahay nila sa Makati kasama ang anak na babae ng dating kongresista dahil sa nag-overheat na Christmas lights na nasa staircase ng mansion.

Hindi ko sinasabing lokal o “patakbuhing” Christmas lights ang ginamit nila dahil alam naman natin na sobrang yaman ng mga de Venecia kaya hinding-hindi sila gagamit ng ganyang uri ng Christmas lights.

Ang punto ko, kung ‘yun ngang orihinal na Christmas lights na ginamit sa bahay ng mga de Venecia ay nag-overheat at naging sanhi ng pagkatupok ng mansion at pagkamatay ng kanyang anak na babae, paano na lang ‘yun mga “patakbuhing” Christmas lights? Three times na mas marupok ito kumpara sa original kaya sobrang delikadong gamitin ang mga ito.

Nararapat lang na mag-isip muna nang maraming beses ang sinumang bibili ng mga murang Christmas lights sapagkat baka ang mga ito ang maging mitsa ng inyong buhay. In short, bago bibili, tanungin ang sarili kung hindi ba kapahamakan ang idudulot nang pagbili ng mga ito.

Ang payo ko, bumili lamang ng mga Christmas lights na may ICC markings dahil nakatitiyak kayong mas ligtas itong gamitin kaysa doon sa walang tatak na ganito.

Huwag isapalaran ang buhay at ari-arian. Huwag palungkutin ang Pasko. Huwag bumili ng mga “patakbuhing” Christmas lights, period! (RONDA BALITA Online)

SHARE
Previous articleBulacan to recognize outstanding communities, leaders and volunteers
Next articleDOTr: No deliberate delay in Bulacan Int’l Airport project
Si Rolando S. Gamoso ay naging Editor-In-Chief ng dating THE AMIANAN WEEKLY EXPOSE’, isang weekly newspaper na may sirkulasyon sa buong Region I, CAR at Region II. Naging reporter/news correspondent siya for Region I sa mga pahayagang tulad ng: DAILY BALITA, TANOD Newspaper, BOMBA, PINOY PARAZZI, at POLICE FILES TONITE. Sa ngayon ay reporter/columnist siya sa THE AMIANAN BULLETIN at THE ILOCOS HERALD, pawang mga local newspaper na circulated weekly sa Ilocos Region. Maliban sa pagiging aktibo niya sa print media, aktibo rin siya sa pagiging miyembro ng broadcast media.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here