Huwag kang uubo at babahing

0
384
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

SABI ng kakilala kong sulimpat ang mga mata, hiyang hiya daw siya kapag nasa loob ng kanilang opisina. Ang sabi ko naman sa kanya, ” hindi na ba nasanay sa mga mata mo na isang pa-norte at isang pa-silangan ang iyong mga kaopisina gayong araw-araw kayong magkakasama?”

Hindi naman daw ang mga mata niya ang kanyang problema kungdi ang pangangati ng kanyang lalamunan. Sa tuwing kumakati raw ang lalamunan niya ay hindi niya mapigil na mapaubo at dahil doon, napapatingin sa kanya ang kanyang officemates. “Inaakala tuloy ng mga ka-office ko na may covid ako, kahit na karaniwang ubo lang ang aking sakit.”

Malaking problema talaga ngayon ang magkaroon ka ng seasonal infectious deseases tulad ng ubo, sipon at lagnat dahil ang mga ito ay sintomas din ng Covid-19 desease. Ang kaibahan lang ng sakit na dulot ng coronavirus ay ang matinding panghihina, kawalan ng panlasa at pang amoy ng pasyente at ang pinakagrabeng lundo nito ay ang pulmonya.

Ako rin ay nakararanas minsan ng pangangati ng lalamunan at kapag ako ay napapaubo ay kaagad akong kinakantiyawan ng aking mga kabarangay at sasabihing magpa-check up ka na, baka may covid ka.” Ang karaniwang sakit tulad ng ubo at sipon ay madali namang gumagaling. Uminom ka lang ng kalamansi juice at maraming tubig at sa loob ng dalawa o tatlong araw ay mawawala na ang sipon at ubo mo.

Ang importante kasi sa panahong ito ng pandemya ay malakas ang iyong resistensiya. Huwag magpuyat, kumain ng maraming gulay kung hindi kayang bumili ng mga prutas. Mas mura kasi ang presyo ng gulay kaysa prutas. Kung makakaya ay iwasan ang paninigarilyo dahil napahihina ng usok at ng mga kemikal buhat sa sigarilyo ang immune system ng cigarette smoker.

Kung kayo naman ay inuubo na sa tantiya ninyo ay karaniwang ubo lang, makabubuti na manatili na lang muna sa inyong mga bahay habang hindi nawawala ang inyong ubo at kung magtatagal naman ang iyong ubo ay magpakonsulta na sa duktor upang malaman kung ano ang pinagmumulan ng iyong pag-ubo.

Nakahihiya talagang umubo lalo na kung ikaw ay nasa kulob (enclosure) na lugar. Hindi maiiwasan na may mga tao na magre-react sa iyong pag-ubo o pagbahing man dahil panahon ng pananalasa ng covid ngayon at hindi natin alam kung kailan matatapos ang delubyong ito na nagpagupo sa ekonomiya ng mahihirap at mayayamang mga bansa sa mundo.

Nakalulungkot na hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang paglobo ng covid cases sa ating bansa. Ang kabutihan lang ay marami rin naman ang nakarerekober, samantalang maliit lang ang bilang ng mga pasyenteng namamatay. Kung bakit kasi dumating sa panahon natin ang pandemyang ito at hindi natin alam kung kailan magwawakas ang istorya ng Covid 19.

Harinawang maging available na ang bakunang pangontra sa covid nang sa gayon ay bumalik na tayo sa normal na pamumuhay. Mayroon ngang tinatawag na new normal, pero hindi tayo masaya sa kalagayang ganito na sa tuwinang lalabas tayo ng ating nga tahanan ay nakasuot tayo ng face mask, hindi pwedeng mag-umpukan ng magkakatabi at lalong hindi pwede magsalu-salo sa mga mesa ng fastfood stores tulad ng dating nakagawian.

Nagkataon lang kasi na dumating sa ating bansa ang Covid 19 desease sa panahong nauuso ang sipon, ubo at trangkaso. Kaya bawal ang magkasakit ng sipon, ubo at trangkaso ngayon dahil hahatulad ka agad na may covid kahit wala. Kaya kung mapipigil mo, huwag kang uubo at babahing kahit kumati pa ang lalamunan mo. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here