Home National News ‘Huwag magmadaling mag-asawa at magka-anak’ — Mayor Sara

‘Huwag magmadaling mag-asawa at magka-anak’ — Mayor Sara

SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Hindi dapat magmadaling mag-asawa o magka-anak agad ang mga bagong nagsipagtapos sa kolehiyo, kundi, ibaling ang atensiyon na unahing tumanaw ng utang na loob sa mga magulang na nagpakahirap pag-aralin ang anak sa kolehiyo.

Iyan ang tinuran ni Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte-Carpio sa kanyang talumpati sa ginanap na Pagtatapos ng mga mag-aaral ng Bulacan State University sa kursong Criminology, Legal Management, Nursing, Mass Communication at Science courses.

“Ngayong graduate na kayo, huwag naman kayong magmadaling mag-asawa o magmadaling magka-anak. Do not forget to express your gratitude sa mga parents ninyo. Sila ang unahin ninyo. Mamaya pagkatapos ng graduation, yakapin ninyo ang mga parents ninyo, tapikin sila sa likod at ibulong mo, ‘Ma, Pa, Salamat!’” aniya.

Para sa punong lungsod ng Davao, kung hindi pag-aasawa o pag-aanak agad ang iisipin ng mga bagong nagsipagtapos, maitutuon aniya ang atensiyon upang gawing katuparan ang mga pangarap. Binigyang diin ni Mayor Inday na “may mga gusto tayo na mangyari sa ating buhay, pero hindi iyon ang eksaktong nangyayari. Huwag maging sarado ang isip kundi dapat maging flexible. There is always a God to direct us.” Ibinahagi rin niya sa mga nagsipagtapos ang kanyang personal na naging karanasan kung saan hindi niya nakuha ang kanyang gusto, pero nagkaroon siya ng isang propesyong kung ano ang mayroon siya ngayon.

Sa kwento ni Mayor Inday, ang kursong Architecture ang talagang gusto niyang kuhanin noong siya’y papasok sa kolehiyo. Ngunit dahil nasalubong aniya niya ang mga dating kaklase noong high school sa kaparehong eskwelahan, nalaman niyang Medical Technology (MedTech) ang kukuhaning kurso ng mga ito, kaya’t ito na rin ang kinuha niya. Bagama’t natapos sa nasabing kurso, hindi niya ito nagamit nang siya’y pinag-aral ng batas ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Hindi man ako naging doktor, naging abogado naman ako. Dahil eto na nga, abogado na, gusto naman sana noon na maging judge. Dahil kailangan ng 10 taong law practice para maging judge, nag-private law practice ako… kaso naiba na naman dahil pinatakbo akong vice mayor, tapos nag-mayor pa ako.. ” pagkukwento pa niya.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Mayor Inday ang mga magulang na may mga anak pa na nag-aaral o mag-aaral sa kolehiyo na turuan ang mga ito na maihanda sa pagkokolehiyo at payuhan na kuhanin ang kursong gusto talaga ng mag-aaral.

Sinalubong ang alkalde at sinamahan sa entablado nina Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado, Vice Gov. Daniel Fernando., Cong. Jose Antonio Sy-Alvarado, BulSU President Dr. Cecilia N. Gascon at mga professor sa Bulacan State Univesity.

Samantala, ang pagdalaw ni Mayor Inday ay pagharap din niya sa may 3000 mga mag-aaral ng Bulacan State University na nagsipagtapos sa nasabing mga kurso, na pawang mga unang benepisyaryo ng libreng college tuition noong 2017 at ng Republic Act 10931 o ang Universal Access for Quality Tertiary Education Act na umiral ngayong 2018. Bahagi ito ng socio-economic agenda ng administrasyong Duterte na nakahanay sa 2017-2022 Philippine Development Plan (PDP). (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here