Huwag munang umasa sa bakuna

0
252
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MAKARAANG ipahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang alok ng bandang Russia, na magkakaloob ng bakuna sa Pilipinas, ang Sputnik V, para kanilant isasagawang clinical trial sa Pilipinas at sa iba pang bansa.

Maganda ang balitang ito dahil kung sakali na positibo ang kalalabasan ng isasagawang trial dito para sa nasabing bakuna ay tiyak na hindi na tayo mahihirapan sa pagbili ng naturang bakuna dahil may direktang pakikipag-ugnayan na ang Pilipinas sa Russia, para sa importasyon ng nasabing gamot sa Covid 19.

Napanood ko ang video footage na ipinost ni Dr. Willy Ong, sa kanyang FB page. Ayon sa nasabing duktor, ang clinical trial ng bakuna kapag ito ay sinubok sa tao ay bibilang pa ng mga buwan o higit sa isang taon bago malaman ang resulta kung ito ay may negatibong side effect o kaya naman ay positibo ang epekto.

Samakatuwid, kailangan pa rin natin ang ibayong pag-iingat upang maiwasan ang kontaminasyon ng Covid dahil mahabang proseso pa ang pagdadaanan bago makarating sa merkado ang alinmang bakuna kapag ang mga ito ay nasubok na sa tao.

Kaya huwag na munang umasa sa bakuna at ang dapat nating harapin ay ang pag-iingat dahil nasa mga tahanan na ang paghahawahan. Sabi nga ni Doc Willy, karaniwan ang paghahawahan ng virus sa mga restaurant kung saan, inaalis ang face mask ng mga kumakain. Pagkatapos nilang kumain ay maghuhuntahan pa kaya malayang naibubuga ang virus ng magkakausap lalo na kung sila ay mga asymptomatic.

Sa loob daw ng sampung minuto na walang suot na face mask ang sinumang indibidwal ay maililipat na ng bawat isa ang taglay nilang virus sa isa’t isa dahil Covid 19 carrier sila at hindi nila alam na may dala-dala pala silang virus na namamahay sa kanilang mga ilong at lalamunan at ito ang mapanganib na parte kaya mandatory ang pagsusuot ng face mask at face shield sa labas ng bahay.

Kahit nga sa loob ng bahay ay malimit mangyari ang paghahawaan. Kung ang isang miyembro ng pamilya na madalas lumabas ng kanilang  bahay kung siya man ay isang pasaway, pakaasahan na siya ang magiging dahilan ng pagkalat ng Covid 19 sa buong sambahayan at kaya ring mailipat ang virus sa mga kapitbahay na katsikahan dahil sa isang pasaway.

Kung talagang nag-iingat ka sa virus, huwag kang magsusuot ng face mask na gawa sa tela dahil hindi ka mapoproteksiyonan ng cloth face mask. Kung mo hindi kayang bumili ng N95 respirator mask, ang surgical mask ang bilhin mo dahil mura lang naman ang halaga nito sa pamilihan o maging sa online tindahan.

Tamang fashionable at magaganda ang cloth face mask, pero napapasok naman ito ng anumang uri ng virus. Kapag ang taong asymptomatic ay nagsasalita na may suot na cloth face mask ay kaharap mo ng malapitan, at ang suot mo rin ay face mask na gawa sa tela, magagawa niyang mailipat sa iyo ang taglay niyang virus dahil kapwa kayo walang suot na protective face mask.

Kaya pakakatandaan nasa ating mga kamay ang ating kaligtasan. Maging alerto at mapagmatyag. Hindi nakikita ang kalaban. Matagal pa bago umiral ang bakuna kaya ingat-ingat na lang muna. Panatilihin ang social distancing at ugaliing magsuot ng ligtas na face mask. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here