Home Ok Ka Lang Huwag patulan ang ‘refugee visa’ pagpunta ng Japan

Huwag patulan ang ‘refugee visa’ pagpunta ng Japan

332
0
SHARE
Opinion Column by Naneth T. Hirano

IYAN ang panawagan ng Justice Ministry ng Japan sa lahat ng mga Pilipinong nagbabalak na pumunta sa Japan gamit ang Topurist Visa.

Na kapag mapapaso na ang kanilang visa ay i-aapply ng Refugee Visa.

Noon ay umuubra ang ganitong uri ng sistema o pamamaraan ng mga recruiting agency sa Pilipinas na bumibiktima sa ating mga kababayang nagnanais na makarating sa bansang Japan kapalit ang malaking halaga.

Kahit hindi nakasisiguro sa maaari nilang maging kapalaran at malaking halaga ang magagastos ay pikit mata pa rin nila itong sinusuong.

Hindi baleng mangutang, magsanla o magbenta ng kanilang mga ari – arian, makabiyahe at makarating lang sila ng Japan.

Dahil sa malaki talaga ang kanilang paniniwala na nasa bansang Japan ang kanilang pag-asa para makaahon sa kanilang mga paghihirap at mabibigyan ng magandang bukas ang kanilang mga mahal sa buhay.

Dati ay may nakakalusot na mga applicants ng Refugee Visa.

Kapag nakapag-apply ka ng refugee visa noon sa regular na proseso ay inaabot ng siyam na buwan hanggang isang taon bago madesisyunan ng Justice Ministry ang hatol kung denied o granted ang application mo.

Pagkatapos mong makapag-apply para maging refugee ay maaari ka nang makapagtrabaho sa loob ng anim na buwan.
Kaya sa loob ng anim na buwan mong paghihintay sa desisyon at nakakapagtrabaho ka naman ay buno’t bawi ka na sa kung magkano man ang iyong nagastos sa ginawa mong pagpunta mo sa Japan.

Kaya kahit na ma-deny pa ang application mo ay hindi na rin masakit.

Iyang senaryo na ’yan ay nangyari noong maluwag pa ang bansang Hapon sa pagtanggap ng mga aplikante para maging refugee ng bansang Hapon.

Ngayon ay hindi na uubra!

Dahil sa napakabilis ng paglobo ng mga dumarating na mga dayuhan sa bansang Hapon na nagsisipag-apply bilang refugee ay naalarma ang Justice Ministry.

Kaya agad ay nagsagawa sila ng agarang solusyon sa kinakaharap nilang problema sa dumaraming mga dayuhan na ibig mag-refugee o magpaampon sa kanilang bansa.

Magdaraan ngayon sa masusing pagsusuri o screening ang mga refugee applicant kung ang mga ito ba ay talagang kinakailangang ampunin ng kanilang bansa o ang hangad lang talaga ay makapagtrabaho sa Japan.

Sa bagong sistemang ipatutupad ng Justice Ministry ay tatapusin nila ang preliminary screening sa loob lamang ng dalawang buwan matapos mai-file ang mga application.

Kikilalanin ng preliminary screening body ang kategorya ng mga aplikante sa apat na grupo.

Una ay kung karapat-dapat bang kilalaning refugee alinsunod sa panuntunang kanilang ipinaiiral at alinsunod rin sa mga napagkasunduang alituntunin sa United Nations Convention Relating to the Status of Refugees?
Pangalawa, kung kinakailangan pang magdaan sa mga detalyadong mga pagsusuri o examinations.

Pangatlo, ay grupo ng mga kulang sa lehitimong kadahilanan para mag – apply bilang refugee.

At ang pang-apat na kategorya ay yong grupo ng mga rejected nang mga applicants.

Kaya yong mga wala namang sapat na basehan at walang magandang rason para maging refugee sa Japan hindi na pinahihintulutang magtrabaho at sila ay sapilitan ng paaalisin sa bansa sa sandaling matapos na ang kanilang awtorisadong gamit o nakuhang visa.

Tamang sa ilalim ng liderato ni Japan Prime Minister Shinzo Abe ay niluwagan niya ang visa requirements na ang hangarin ay para mai – promote ang turismo ng bansang Japan at hindi para pagsamantalahan ng mga nagpapanggap o mga PEKENG REFUGEE.

Kaya panawagan ko sa ating mga kababayan na nagbabalak na pumunta sa bansang Japan na ang gamit ay tourist visa at pagkatapos ay ia – apply kuno kayo ng recruiting agency bilang refugee para malaya na kayong makapagtrabaho sa loob ng anim na buwan kapalit ang malaking halaga ay huwag kayong paloloko o pabiktima pa sa mga BUWITRE.

Huwag nang sumugal o magbakasakali pa.

SHARE
Previous articlePanawagan ng KWF: Ulirang Guro sa Filipino 2018
Next articleEstudyante ng UP, ano ang pakinabang?
Neneth Tayao Hirano has over 20 years of experience in broadcast journalism. A graduate of Mass Communication Major in Broadcasting at Far Eastern University. Born October 28, 1955 at Plaridel, Bulacan. She started broadcaster at DWAN 1206, followed at DWGV 792 and then DZXQ 1350. A former publisher of a local newspaper -- TUDLA. And from broadcasting, she became a columnist of local papers in Bulacan, the CMT UPDATES and Bulacan Catcher. Currently, she is RONDA Balita’s columnist based in Japan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here