Home Featured Story I AM THE GREATEST! — ALI (Part 1)

I AM THE GREATEST! — ALI (Part 1)

381
0
SHARE

“I AM THE GREATEST!” Ito ang pamosong linya noon ng yumaong popular na boksingerong si Muhammad Ali. Sa tuwing siya ay nagwawagi sa bawat laban noong panahon ng kanyang kabataan.

Hinangaan at palaging inaabangan ng boxing fans sa buong mundo ang laban ni Ali. Wika nga, tumitigil ang orasan ng daigdig sa kapag may laban si Ali. Kakaiba kasi siya sa mga kilalang heavyweight boxer ng mundo.
Taglay niya ang karisma na tulad ng sikat na artista. Itinulad nga siya ng boxing fans sa katanyagang taglay ni Elvis Presley, bagama’t magkaiba ang kanilang mga larangan. Ang mundo ni Ali ay boxing samantalang si Elvis ay rock ‘n roll music.

Bagama’t wala na siya sa mundo ngayon, nasa puso at isipan pa rin siya ng kanyang mga tagahanga. Sabi nga ng isang diehard boxing fan: “Wala nang makatutulad pa kay Ali. Isa siyang dakilang boksingero sa kanyang panahon”.

Sinisikap siyang tularan subalit hindi mapantayan ng mga boksingerong popular sa makabagong panahon ang angkin niyang galing sa ibabaw ng ring. Kahit nga kay Floyd Mayweather Jr., ay hindi siya maihahambing dahil iisa lang ang Muhammad Ali, ang “The Prettiest, The Greatest” boxer of all times.

 

Nagsimula sa titulong Cassius Clay

Ayon sa mga kasaysayang nasulat, binatilyo pa lang noon si Ali ay kinakitaan na siya ng kakaibang lakas, bilis at liksi sa street fight. Sa edad na dose ay pinangingilagan na siyang tuksuhin ng kanyang mga kaedad na kalaro dahil wala siyang inuurungan kapag siya ay hinamon ng away.

Sa simula ay kilala siya sa pangalang Cassius Clay. Ayon sa isang kwento, isang pulis ang humanga sa lakas ni Clay nang upakan niya ang lalaki na nagnakaw umano ng kanyang bisikleta.

‘Di hamak na mas matangkad ang lalaking nakaaway ni Cassius. Hindi siya natakot at sa halip ay nakipagpalitan siya ng suntok sa kalaban hanggang sa ito ay kanyang naigupo.

Ayon sa pulis na nakasaksi sa naturang laban, malayo ang mararating ni Cassius at doon na nga nagsimula ang makulay na boxing career ni Clay.

Bilang isang amateur boxer sa edad na 18, nagkamit siya ng gintong medalya sa 1960 Summer Olympics sa Rome, sa larangan ng amateur boxing light heavyweight division.

Tulad ng maraming amateur boxer, pinasok rin ni Clay ang professional boxing. Una niyang nakaharap si Tunney Hunsaker, sa labang ginanap sa Freedom Hall Louiseville, Kentucky noong October 29, 1960. Tinalo niya si Hunsaker, via unanimous decision. Nasundan pa ng marami ang labang iyon hanggang sa hinangad ni Clay na maging heavyweight champion.

Hindi biro ang pro-boxer na kanyang haharapin. Isang kampeon na may hawak ng dalawang championship belts: WBA at WBC titles na si Sonny Liston.

Palibhasa ay bagito sa naturang larangan, minaliit ni Liston ang kanyang kakayahan. Katwiran ni Liston, marami nang mga batang boksingero ang pinalasap niya ng kabiguan kaya umasa si Liston na mapapabilang si Clay sa listahan ng neophyte boxers na kanyang tinalo. Subalit nagkamali ang kampeon. Isa palang leon ang kanyang katunggali. Dalawang beses na naglaban sina Clay at Liston. Sa unang laban ay sa puntos lang tinalo ni Clay si Liston at sa pangalawa ay pinatulog na ni Cassius si Liston.

Sa kasagsagan ng Vietnam War, kailangang sumunod si Clay sa patakaran ng Estados Unidos na ang bawat mamamayan nito na nasa hustong gulang ay tinatawagan para sa military service. Nang panahong iyon, ang US ay kalaban pa ng Vietnam, nataon namang tinawagan ng pamahalaan si Clay para sa serbisyo militar. Tumanggi si Clay sa atas ng pamahalaan na maglingkod sa army kaya naging dahilan iyon para alisin sa kanya ang titulo bilang heavyweight champion.

Matagal ding nanahimik ang mga sports writer sa pagsusulat ng balita tungkol kay Clay. Pansamantalang tumutok ang boxing enthusiasts sa iba’t ibang sports events sa Estados Unidos, tulad ng larong football, Rugby at iba pa.

 

Mula sa Kristiyanismo naging Muslim

Lingid sa kaalaman ng publiko, naging intresado si Clay sa relihiyong Islam. Malimit siyang makihalubilo sa mga kaanib ng Nation of Islam. Nakilala niya si Malcom X, isang activist at religious minister ng Nation of Islam. Si Malcom ang tumayong spiritual and political mentor ni Clay.

Sa madaling salita, nagpalit ng relihiyon si Clay. Nagpalit din siya ng pangalan dahil ang Cassius Clay, ayon sa kanya ay pangalan na pang alipin. Pinalitan niya ng Muhammad Ali ang dati niyang pangalan.

Sa Chicago siya nanirahan ng maraming taon sa kanyang bagong pangalan na Muhammad Ali, kung saan marami siyang kapatid na black American na kaanib din ng Nation of Islam. Naging malaking issue ang pagtanggi niyang maging sundalo. Siya ay kinasuhan ng estado — nabilanggo, subalit nang makalaya ay nagbalik sa boxing arena ng may karangalan.

Gumawa siya ng malaking pangalan sa titulong Muhammad Ali. Maraming boxing opponents ang naghangad na siya ay talunin subalit nangabigo sila at nagpatuloy ang pagiging tanyag ni Ali sa kanyang larangan.

Ang matutulis na jabs ang ang mabilis na footwork ang mabisang sandata ni Ali sa pakikipagbakbakan. Sa tuwing matatapos ang laban ang kanyang mga kalaban ay namamaga ang mukha subalit ang mukha ni Ali ay hindi man lang magtamo kahit isang bukol dahil sa mabilis na pag-ilag sa mga suntok ng mga kalaban. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleBinabalik-balikang lamig sa Baguio
Next articleSM City SJDM started the year right caring for customers with special needs
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here