Ilocos Sur Board Member, dismayado sa usad-pagong na internet connection

0
306

ILOCOS SUR — Nagpakita ng sobrang pakadismaya si Ilocos Sur Board Member Mildred Elaydo, Chairperson ng Committee on Communication, sa hindi magandang serbisyo ng internet connection na ibinibigay ng mga service provider tulad ng Globe, Smart at PLDT.

Isang public hearing ang ginawa ni Elaydo kung saan ay ipinatawag niya ang lahat ng mga service provider para magpaliwanag kung bakit hindi maganda ang serbisyong ibinibigay nila sa mga tao gayong ang mahal-mahal naman ng singil ng mga ito.

Ayon kay Elaydo, malaking problema kapag hindi naayos ang napakabagal na internet connection dahil tiyak na maapektuhan ang pag-aaral ng mga bata oras na simulan na ng Department of Education ang online classes ngayong buwan ng Agosto.

“Ang paliwanag nila, dahil sa COVID 19 at lockdown ay marami daw ngayon ang gumagamit ng internet kaya bumagal ang signal. Hindi daw kaya nung allocation ang sobrang dami ng gumagamit ngayon kaya nagkakaproblema sa internet. Ang daming mga promos pero hindi naman maganda ang serbisyo nila. Ang mahal-mahal pa ng singil nila,” ang dismayadong wika ni Elaydo

Nabatid na sa naturang public hearing, nangako ang mga service provider na ipaparating nila sa kanilang mga main office ang lahat ng mga napag-usapan para maaksyonan.

Ang hindi maintindihan ni Elaydo ay kung bakit sa GLOBE ay kailangan pa nilang mag-submit ng resolution o sulat para sa kanilang reklamo.

“Bakit kailangan pa ng sulat o resolution to be addressed to their company? When in fact, meron naman silang production manager, mayroon naman silang maintenance manager. Di ba trabaho naman nila yun? Ang pagandahin ang serbisyo nila? Hindi ba nila alam na hindi maayos ang serbisyo nila sa mga tao? Pero sige, okey lang. Para wala na silang hanapin pa, gagawa tayo at magpapasa ng isang resolution,” wika ng Board Member. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here