Ipagdasal po natin ang paggaling ng ating mahal na gobernador

0
82

ISANG kalunus-lunos na balita ang gumimbal sa mga Bulakenyo nung nakaraang Sabado, at ito ang pagpositibo ng ating Gobernador Daniel Fernando sa COVID-19.

Isa ako sa mga nanlumo, nanghina ng makarating sa akin ang balita. Halos parang ayaw kong maniwala dahil alam ko na sa ganda ng pangangatawan ni Gov. Daniel ay imposible siyang tamaan ng nakamamatay na sakit na tulad ng COVID-19.

Pero talaga yatang mapagbiro ang tadhana at hindi nito pinalampas na hindi magkasakit o mahawa ang masipag na gobernador.

Nasabi ko na lang sa aking sarili na hindi nga malayong mahawa si Gov. Daniel sa naturang virus dahil halos sa simula pa lang ng paglaganap ng naturang sakit ay hindi na ito tumigil sa paghahatid ng tulong at pagsagawa ng mga plano kung paano masusupil ang virus.

Halos gawin niyang umaga ang bawat gabi makalikha lamang ng isang mabisang solusyon o plano para manalo sa giyera laban sa nakamamatay na virus.

Ni hindi niya inalintana o pinansin na maaari siyang mahawa sa COVID-19 dahil ang kanyang naging tanging hangarin ay maihatid ang tulong at suporta sa mga Bulakenyo.

Pinilit niyang puntahan at dayuhin ang mga malalayo at tagong barangay upang madalhan ng ayuda sa panahon ng pandemya, ang mga mahal at naghihirap na mga kababayan.

Likas na masipag at mapagmahal ang ating Gobernador kaya kahit alam niyang puede siyang mahawa sa virus ay binalewala niya ito at bagkus ay tuluy-tuloy ang kanyang pagseserbisyo.

Walang patid sa loob ng halos limang buwan. Walang araw na hindi niya ito ginugol sa kanyang mga kalalawigan. Lahat ng dapat ibigay at itulong ay kanyang inihatid sa bawat “pinto” ng mga Bulakenyo.

Gov. Fernando, mahal ka ng mga Bulakenyo at ibabalik nila ang pagmamahal na ibinigay at ipinakita mo sa kanila.

At batid nila, kasama ang inyong ka-Taklesa, na makakaya mo itong mapaglabanan. Walang nakamamatay na sakit ang dadaig sa malinis na budhing maglingkod.

Kaya ang tangi kong hiling sa aking mga kalalawigan, ipagdasal po natin ang ating mahal na gobernador na sana ay malagpasan niya ang pagsubok na ito at tuluyan na siyang gumaling.

Gov. Daniel kaya mong magapi ang bagsik ng COVID-19 dahil maraming nagmamahal sa iyo.

Mahal ka ng mga Bulakenyo!

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, su­hestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here