IRA at Disaster Fund ng barangay, paano ginagamit?

0
791
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan, kaunting kaalaman para sa inyong mga tanong na naghihintay nang kasagutan sa panahong tayo’y kapwa abala sa virus na tumama sa ating bansa ang COVID-19.

Ang bawat barangay ay may taunang pondo na nanggagaling mula sa share ng Internal Revenue Allotment (IRA) at iba pang local sources tulad ng kita mula buwis, permit at iba pa.

Isang halimbawa mga ’igan, kapag ang budget ng isang maliit na barangay sa loob ng isang taon ay P1,000,000. Ang pondo na ito ay hahatiin ng barangay base sa itinadhana ng batas tulad ng honorarium ng mga barangay officials at maging sa pang-tustos sa mga proyekto sa barangay.

Dito rin nagmumula ang pondo ng Sangguniang Kabataan, Gender and Development Fund, Disaster Fund (Calamity Fund) at iba pang mga gastusin.

Karaniwan ang Calamity or Disaster Fund ay 5% lang ng kabuuang budget ng barangay kung saan ito ay nahahati pa sa dalawang bahagi. Ang 70% ay para sa disaster preparedness at ang 30% ay para sa Quick Response Fund.

Sa panahon ito na may deklarasyon ng State of Calamity ang ating gobyerno, maaring gamitin ng barangay ang pondo. Sa simpleng kwentada kung ang barangay ay may kabuuang budget na P1,000,000 ay 5% po nito ay P50,000.00.

Kung saan ang P50,000.00 ay ilalaan sa disaster preparedness (P35,000.00) at Quick Response Fund (P15,000.00).

Sa Executive Order ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nilagdaan nito ang deklarasyon ng State of Calamity kung saan binibigyan ang mga barangay na gamitin ang Quick Response Fund upang matulungan ang mga maapektuhan ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Ganun pa man, sa liit ng halaga na yan mga ’igan, malinaw na hindi ito sapat kaya kailangan ng ayuda mula sa Local Government Unit.

Sa ating mga residente ng barangay mahalagang na unawain ninyo ang kalagayan ng inyong mga barangay officials dahil nasa estado tayo ng krisis na dulot ng coronavirus.

Sa puntong ’yan ay hindi maaring basta na lamang gastahin ang pondo sa barangay ng hindi naaayon batas.

Dahil posible silang sampahan ng kaso tulad ng malversation of public funds at iba pa kung mali ang paggamit ng pondo.

Sa mga taga-barangay na nakaluluwag o nakakariwasa sa buhay, sa mga panahon na ito kailangan ng pagdadamayan at sana’y tulungan ang higit na nangangailangan.

Sumunod sa mga umiiral na batas at panuntunan sa panahon ng ECQ at lockdown upang hindi na kumalat pa ang virus.

Para sa inyong reklamo at reaksyon mag send lamang sa thony.arcenal@gmail.com (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here