Home Bayanihan ng Bayan YES FOR PEACE Isang hamon kay Ka Joma at mga kapanalig

Isang hamon kay Ka Joma at mga kapanalig

498
0
SHARE

ANO ba talaga ang gustong mangyari ni Ka Joma Sison at ng mga kapanalig niya?  Gusto ba niya ng giyera o gusto niya ng ceasefire?

Hangang ngayon itinatanggi ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army na mga terorista sila! Mga rebolusyonaryo daw sila na isinusulong ang mga katapatan ng Sambayanan!

Pero noong mga nagdaang mga araw, parang ipinangangalandakan nilang mga terorista nga sila.

Noong kasagsagan ng bagyong “Urduja” noong makalawa, muling umatake ang mga NPA. Pinagbabaril ng higit sa 50 armadong terorista ang mga element ng 20 Infantry Battalion ng Philippine Army sa Catubig, Northern Samar. Dalawang sundalo ang nasugatan at nagpulasan sa takot ang mga residente.

Bago ang naturang paglusob ng mga NPA sa militar, nanawagan ang mga Iskolar ng Bayan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman na muling ipagpatuloy ang Peace Talks sa pagitan ng sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front; ikinondena ng mga taga-UP Manila ang pagkamatay ng isang dating estuyanteng miyembro ng Grabriela youth sa isang sagupaan ng mga pulis at military laban sa mga NPA sa Batangas; at nagprotesta ang mga taga UP Baguio laban sa tinatawag nilang “Red Tagging” o pagtawag bilang komunista sa mga kumokontra sa mga polisiya ng gobyerno. Ang mga hinaing na ito ay ipinahayag sa mga Oblation Run ng Alpha Phi Omega, isa sa pinakamalaki at sikat na fraternity at sorority dito sa Pilipinas.

Kung talagang gusto ni Ka Joma na makumbinsi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na muling ipagpatuloy ang Peace Talks, dapat siguro ay sagutin na niya ang mga tanong na inilalatag natin sa Yes for Peace – Bayanihan ng Bayan, isang pagkilos na nagmula sa mga pangkaraniwang mga mamamayang Filipino na isinusulong mula pa noong 1990s sa pamamagitan ng ibat-ibang sangay ng gobyerno tulad ng Department of Education at Philippine Postal Corporation sa tulong ng Philippine Information Agency at Philippine News Agency.

Kamakailan, 216 na Career Executive Service Officers (CESO), Career Executive Service Eligibles (CESE) at Career Service Executive Eligibles (CSEEs) na dumalo sa Career Executive Service Convention (CESCON) ang sumagot sa mga tanong ng Yes for Peace.

93.05% ang sumagot ng “Yes”; 5.09% ang sumagot ng “No”; at 1.85% ang nag-abstain sa tanong na, “Sang-ayon po ba kayo na permanente nang itigil ang labanan sa pagitan ng mga sundalo ng gobyerno at ng mga armadong rebolusyonaryo para mailaan na ang bilyon-bilyong pisong pondo na nauubos sa giyera ng mga Filipino laban sa kapwa Filipino para magamit ito sa edukasyon, kalusugan, pabahay, pagsugpo ng kahirapan, pagpapalakas ng kababaihan, pagpapa-unlad ng kanayunan at iba pang mga makabuluhang serbisyo-publiko para sa Sambayanang Filipino?”

“Yes” ang sagot ng 97.69%; “No” ang 5.09%; at wala namang sagot ang 0.92% sa tanong na, “Sang-ayon po ba kayo na dito na sa Pilipinas ipagpatuloy ang peace talks imbes na sa ibang bansa at gawing hayagan at partisipatibo ang proseso nito para makalahok ang lahat ng sektor ng Sambayanang Filipino at ang mga mambabatas natin sa pagbalangkas, pagpapa-apruba at pagpapatupad ng mga mapagkakasunduan sa peace talks?”

“Yes” ang sagot ng 88.43%; “No” ang 9.72%; at walang sagot o “abstain” ang 1.85% sa tanong na, “Sang-ayon po ba kayo na amyendahan na sa lalong madaling panahon ang mga probisyon ng konstitusyon at mga batas na maaaring maging mga balakid at hadlang sa pagsasakatuparan ng mga kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng mga armadong rebolyusyonaryo?”

Ang pinaka-importante sa tugon ng 100% ng naturang mga CESO, CESE at CSEE sa Yes for Peace, “Ako po ay isang KaBAYANIHAN NG BAYAN.  Tutulong po ako, sa abot ng aking kakayanan, para sa maayos na pagsasakatuparan ng mga proyekto at programang pangkomunidad ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno upang maibsan ang kahirapan at maiangat ang kabuhayan ng mga dukha at maralita.”

Nakapaglatag na rin ng menu of existing community-based peace and development programs ang hanay ng mga CESO, CESE at CSEE na isusulong alinsunod sa konsepto ng “Govergence” ng Career Executive Service Board.

Sa aking pananaw, kung ang kapakanan talaga ng Sambayanang Filipino ang ipinaglalaban nina Ka Joma at kanyang mga kapanalig, kailangan na nilang pag-isipan ng malalim kung makikipag-Bayanihan ng Bayan na sila sa mahigit 15 Million nang mga Filipino na handang tumulong na maiangat ang kabuhayan ng mga dukha at maralita.

Kung hindi naman sila makikiisa sa patuloy na lumalawak na hanay ng mga KaBayanihan ng Bayan, darating at darating ang panahon na para silang mga isda sa isang aquarium na unti-unting tinatanggalan ng tubig.

Unti-unti silang mawawalan ng tinatawag nilang “mass base” sa kalunsuran at kanayunan dahil sa dami na nang mga tahimik na nasa likod ng Yes for Peace na kinabibilangan ng mga miyembro ng Alpha Phi Omega (APO), ng Department of Education National Employees’ Union (DepEd NEU), Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK) na binubuo ng organisadong mga manggagawa sa gobyerno at ng mga CESO, CESE at CSEE.

Sana, makiisa na sila sa panawagan na isulong ang kapayapaan bilang isang indibidwal at kolektibong karapatang pantao.

Kung hindi man nila kayang talikuran ang marahas na pamamaraan nila ng pakikibaka, igalang man lang nila ang karapatan ng Sambayanang Filipino sa kapayapaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here