ANO nga ba ang ibig sabihin ng kleptomania? Ito ba ay isang uri ng karamdaman? Ano ang pinagkaiba nito sa ordinaryong magnanakaw?
Ayon sa aking pagsasaliksik ang kleptomania ay isang uri ng karamdaman ng isang tao na hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na umitin o nakawin ang isang bagay ng may iba’t-ibang kadahilanan.
Basta’t nakita ang isang bagay na sa pagkakataong iyon ay maganda at mahalaga para sa isang taong may kleoptomania ay hindi nito nakakayang kontrolin ang kanyang sarili na kuhanin ng walang pahintulot o nakawin ang mga ito!
Ayon sa 5th Edition ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders, ang taong may kleptomania ay nagnanakaw ng mga bagay na hindi naman nila talagang kailangan.
Kadalasan sa mga ninanakaw nila ay iyong mga bagay na wala namang halaga at madali lamang na mababayaran kung kinakailangan.
Hindi katulad ng maraming kaso ng pagnanakaw o ordinaryong magnanakaw na pinaplano muna nilang mabuti ang isasagawang pagnanakaw na may mga kasamahan para sa kanilang pangangailangan o ikabubuhay.
Dahil ang mga taong may kleptomania ay ginagawa ang pagnanakaw ng nag-iisa lamang.
Nakakaramdam ang mga ito ng malakas na pagkagusto na makapagnakaw, nababalisa, natetensiyon at nakakaramdam din ng sobrang kasiyahan kapag nanakaw na nila ang bagay na gusto nila.
Na ang mga nanakaw namang mga bagay ng isang Kleptomania ay bihira nilang gamitin o hindi ginagamit.
Kadalasa’y ibinibigay ng mga ito sa kanilang mga kaibigan, pamilya o di kaya’y itinatapon lang.
Nakakaramdam ng kasiyahan o pagkaaliw ang isang Kleptomania kapag naisagawa na nila ang mabilisang pagnanakaw.
Na ang nagiging kadahilanan ay para mapunan ang emosyonal at pisikal nilang damdamin.
Maari ring naging dahilan ng kanilang mga pagnanakaw ang paninibugho,kulang sa pansin, kawalan ng paggalang sa sarili at pakiramdam nila’y nag-iisa na lamang siya sa mundo.
At ang pagnanakaw ang siyang alam nilang paraan para makakuha ng pansin, maipakita sa mga taong nakapaligid sa kanila ang kanilang kalayaan,ang pagpapadama ng galit sa pamilya, mga kaibigan o dahil sa hindi nga nila iginagalang ang kanilang mga sarili at ibang tao.
Malaki rin ang kinalaman sa mga taong may kleptomania ang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip, pagkabalisa at bipolar disorder.
Maaring ang pagiging kulang o mababa ang SEROTONIN ng isang tao sa kanyang katawan ay nagiging sanhi ng pagtaas ng mga mapanghikayat o nakakahumaling na pag-uugali.
Malaking porsiyento ring kadahilanan ang pagkakaroon ng family history ng may kleptomania o addiction.
Kaya ang pagkuha ng MEDICAL ASSISTANCE ay kailangan ng mga taong may karamdaman na Kleptomania.
Dahil sa hindi at mahirap nilang magamot ng nag-iisa ang kanilang sarili!
Kailangan kasing mabigyan sila ng pinagsamang PSYCHOTHERAPHY at mga iinuming iniresetang gamot ng isang dalubhasang manggagamot para malunasan ang naging dahilan ng kanilang karamdaman.
Malaki ang maitutulong ng COGNITIVE BEHAVIORAL THERAPHY na isasagawa ng isang manggagamot para sa isang kleptomania para mapigil nito ang isipang pumipinsala sa kanilang pag-uugali.
Kaya ang taong may sakit na kleptomania ay hindi dapat na itakwil, pandirihan at husgahan.
Mas makabubuting sila ay ating tulungan at hikayating makapagpagamot para malunasan ang kanilang hindi naman kagustuhan naging karamdaman. (RONDA Balita Online News)