Home Pilantik Isyu at alegasyon ni Bikoy, imbestigahan!

Isyu at alegasyon ni Bikoy, imbestigahan!

30
0
SHARE

NAGULO raw ang tabakuhan ng parang kabuteng sumulpot itong si Peter Advincula at nagpakilalang alyas Bikoy ng kanyang diretsahang paratangan ang mga kilalang tao kabilang ang pangulo na siya rin daw protektor at sangkot sa paglaganap sa bansa ng salot na shabu.

Hindi kinagat ng ilang senador partikular ng mga taga-administrasyon ang matinding alegasyon sa dahilang wala raw kredibilidad itong si Bikoy upang paniwalaan dahil sa dami ng kasong kinasangkutan, sa madaling sabi ay walang nangyari.

Ilang araw mula noon ay parang bulang nawala itong si Bikoy na lingid sa taong bayan kung ano na ang nangyari at kung si Bikoy ay nasaan. May hinala at bulung-bulungan na ito raw si Bikoy ay nasa kustodiya ng kapulisan.

Lalong tumibay ang hinala na hawak nga ng may mga kapangyarihan itong si Bikoy ng siya ay biglang iharap sa media o mamamahayag na di umano ay kusang loob na sumuko sa kanila upang magbigay ng panibagong pahayag kontra sa nauna niyang akusasyong inilantad.

Sa kanyang (Bikoy) pangalawang paglantad at pagharap sa mga mamamahayag, deretsahang niyang binawi at binaligtad ang lahat ng kanyang unang isiniwalat laban sa mga kilalang tao kabilang na ang pamilya ng Pangulo.

Binawi ni Bikoy at binaligtad ang lahat ng kanyang sinabi laban sa mga taong kanyang pinaratangan at ngayon nga ay puro mga taga-oposisyon ang kanyang inaakusahan na may kinalaman sa kanyang ibinulgar na katarantaduhan. Oposisyon din ayon ka Bikoy ang siyang may pakana sa sinasabing balak na pabagsakin ang pamahalaan.

Tanong ng taong bayan, Ano ang nangyari at biglang kumambyo itong si Bikoy? Mayroon daw kayang nabuong kasunduan sa pagitan ni Bikoy at ng mga kapulisan higit sa lahat ay sa kasalukuyang pamahalaan?

Hindi naman po sa nagdudunung-dunungan si PILANTIK, sa mayroon o walang kredibilidad upang paniwalaan ang inilantad nitong si Bikoy, di ba’t ang nararapat ay imbestigahan upang lumitaw nga katotohanan upang mapanagot ang may kasalanan kung mayroon man. Hindi iyang mistulang “patay malisya” ang karamihan sa mga taong dapat ay maging masigasig upang lumabas ang katotohanan sa ganitong matinding alegasyon.

Ang hirap ay walang gustong mamuno at makialam upang ang alegasyon ay imbistigahan. Sa anong kadahilanan? Mayroon bang totoong masasagasaan na pinagtatakpan? Mayroon bang kinatatakutan?

Imbestigahan ang aligasyon ni Bikoy at ng malaman kung sino talaga ang naghuhugas ng kamay na sinasabi ni Bong Go. Panghuli huwag kalimutan na bulukin si Bikoy sa kulungan.

Sa mga taong nararapat na siyang manguna upang malaman at lumabas kung may katotohanan ang ngayon ay pinakamainit na pinag-uusapan, bigyan ninyo ng oras at panahog na ito ay imbistigahan. Manindigan kayo at hindi iyang mistulang dekorasyon ang lawit ninyo sa inyong harapan. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here