Home National News Itayo ang Republika para sa patuloy na pag-unlad — Speaker Gloria

Itayo ang Republika para sa patuloy na pag-unlad — Speaker Gloria

30
0
SHARE
Sa pangunguna ni dating Pangulo, ngayo'y Speaker of the House of Representatives Gloria Macapagal Arroyo, ipinagdiwang ng mga Bulakenyo ang Ika-121 Taong Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas sa harap ng makasaysayang simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos, Bulacan nu'ng Miyerkules June 12, 2019. Binigyang diin ni Speaker Arroyo na ang tunay na diwa ng Kalayaan ay ang patuloy na itayo ang Republika tungo sa lalong pag-unlad ng bansa. (Mga kuha ni Shane Frias Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nagbilin si dating pangulo at ngayo’y Speaker of the House of Representatives Gloria Macapagal Arroyo sa mga Bulakenyo, na patuloy na itayo ang Republika upang matiyak ang lalong pag-unlad.

Iyan ang sentro ng kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Ika-121 Taon ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas, sa patio ng makasaysayang simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito. Para kay Speaker Arroyo, ang pagtataguyod sa Republika ay masusukat kung naipapanalo ng bansa ang laban sa kahirapan.

“Ang henerasyon ng ating mga ninuno, ipinaglaban ang Kalayaan. Ang atin namang henerasyon ang magtuloy ng laban para sa kalayaan mula sa kahirapan,” aniya. Binigyang diin ni Speaker Arroyo na sa nakalipas na halos 20 taon, napakalaki na ang pagbaba ng kahirapan sa bansa.

Base sa datos na kanyang iprinisinta, 39% ang antas ng kahirapan sa Pilipinas nang maging pangulo siya ng Pilipinas noong taong 2001. Napababa ito sa 26% nang matapos ang kanyang termino noong taong 2010.

Hinamon naman ni Speaker Arroyo ang mga Bulakenyo na patuloy na suportahan ang administrasyong Duterte upang makuha ang target na pagbaba pa ng kahirapan sa 14% pagsapit ng taong 2022.

“Malinaw ngayon na hindi tumitigil ang pag-alaala sa ating kasarinlan. At walang katapusan ang pagtatayo ng isang malaya at maunlad na bansa. May tungkulin ang bawat Pilipino na nagtatamasa ng ating kalayaan na alagaan ito para sa henerasyon natin pati sa mga sumusunod na henerasyon,” dagdag pa niya.

Matatandaan na sa panunungkulan ni Speaker Arroyo bilang pangulo ng bansa sa unang dekada ng ika-21 siglo, sentro ng kanyang adhikain na maihatid ang Pilipinas tungo sa isang matatag at malakas na Republika. Sapagkat para sa kanya, “tayong lahat ang nagtatayong ng ating Republika na tumatangkilik sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng bansa.”

Ngayon lamang muling nagkaroon ng talumpati para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan si Speaker Arroyo, mula nang bumaba siya sa pagka-pangulo noong 2010. Ito rin ang kanyang muling pagbabalik sa simbahan ng Barasoain mula noong Pebrero 2004 nang kamustahin ang iba’t ibang sektor ng Malolos. Dati na ring siyang naging panauhing pandangal sa nasabing simbahan noong Setyembre 15, 2003 sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos.

Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad si Speaker Arroyo sa ipinagkaloob niyang 10 ektaryang lupa na dating pag-aari ng Philippine Information Agency (PIA) noong 2004. Ito na ngayon ang kasalukuyang kinatatayuan ng bagong City Hall ng Malolos, Malolos Sports and Convention Center, Division of Malolos office ng Department of Education (DepEd), Malolos Central Transport Terminal kung saan matatagpuan din ang Department of Foreign Affairs (DFA)-Malolos Consular Office at ang itatayong Malolos Regional Evacuation Center.

Ayon kay Mayor Natividad, nakatulong ito nang husto ang mga nasabing pasilidad sa pag-aangat ng buhay ng maraming mga taga-Malolos at ng mga Bulakenyo sa kabuuan.

Samantala, para kay Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado, mapapabilis ang paghango sa kahirapan ng mga natitirang mahihirap sa pagsasakatuparan ng mga imprastrakturang sinimulan ng administrasyon ni Speaker Arroyo. Kabilang aniya dito ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na buhayin ang mga nabinbing proyekto ni Speaker Arroyo gaya ng North-South Commuter Railways Project at ang MRT 7 na ngayo’y nasa kasagsagan na ng konstruksiyon.

Source: Philippine Information Agency

SHARE
Previous articleHouse Speaker GMA leads freedom day rites in Malolos
Next articleBride-to-be, 13 iba pa patay sa bumaligtad na truck
A team of journalist came up with a newspaper that would complement the fast-paced development now happening in the country. Presently, social media, online news, and other multimedia press centers are active nowadays and the people behind RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente created a modern digital news site whose products include newsfeeds, online news releases and advertisements and it is entitled RONDA Balita Online News.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here