Home National News Iwas-trapik sa NLEX, inilatag para sa pagkakabit ng NLEX at Skyway 3

Iwas-trapik sa NLEX, inilatag para sa pagkakabit ng NLEX at Skyway 3

32
0
SHARE

CITY OF MALOLOS, Bulacan — Naglatag ng sari-saring mga alternatibong daan ang NLEX Corporation at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mabawasan ang matinding sikip ng daloy ng trapiko sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX), bunsod ng konstruksiyon ng Skyway Stage 3.

Mula Lunes hanggang Sabado, tumutukod hanggang sa Marilao, Bulacan ang haba ng pila ng trapik hanggang sa Balintawak. Itoy dahil umabot na sa Camachile ang konstruksiyon ng rampa ng Skyway Stage 3 na literal na dudugtong sa NLEX.

Sa isang pulong balitaan, binigyang diin ni Raul Ignacio, chief operating officer ng NLEX Corporation, na laging kaisa ng pamahalaan ang NLEX na mapaluwag ang trapiko papasok at palabas sa Metro Manila at patuloy na makapagbigay ng modernong imprastraktura sa bansa.
Kayat habang ginagawa ang nasabing imprastraktura, nag-abiso ang NLEX Corporation sa mga motoristang galing sa gitna at hilagang Luzon na lumuluwas sa Metro Manila, na kung papunta sa mga lungsod ng Caloocan at Maynila, mainam na kumanan sa NLEX-Smart Connect Interchange papuntang Karuhatan para makarating sa Monumento.

Maaari rin itong maging alternatibong ruta ng mga papunta sa Pasay o sa Manila International Airport (MIA) sa pamamagitan ng pagdaan sa NLEX-Smart Connect Interchange na derecho hanggang sa may C-3 na lalabas sa Radial Road 10 (R10) hanggang makarating sa Roxas boulevard.

Para naman sa mga papuntang Quezon City, Marikina at Pasig, sa NLEX Smart Connect Interchange pa rin pwedeng dumaan papuntang Mindanao Avenue. Maaaring lumusot mula rito sa campus ng University of the Philippines (UP) sa pamamagitan ng Luzon Avenue hanggang Katipunan papuntang C-5.
Mananatili namang bukas ang rampa ng cloverleaf para sa mga sasakyang mula sa gitna at hilagang Luzon na papuntang Balintawak Market at EDSA-North Avenue.

Sa gagawing pagkakabit ng NLEX at Skyway Stage 3 sa bahagi ng Camachile, inaasahan ang lalong pagbigat ng daloy ng trapiko sa southbound lane ng NLEX dahil gagamitin ang inner lane o gitnang bahagi ng expressway upang magtayo ng mga post eng Skyway 3. Iba pa rito ang paggamit sa magkabilang shoulder nito upang siyang paglagyan ng rampa.

Ayon kay Engr. Alex Solomon, project manager ng San Miguel Corporation na may konsesyonaryo sa P46 bilyong proyektong Skyway Stage 3, target matapos ang bahaging ito sa Disyembre 2019. Kapag pormal nang nabuksan ang 18 kilometrong Skyway Stage 3 sa mga motorista, ang mga sasakyang mula sa NLEX ay makakabiyahe na papuntang South Luzon Expressway (SLEX) sa loob lamang ng 15 hanggang 20 minuto.

Malayung malayo sa kasalukuyang inaabot na mahigit dalawang oras.

Samantala, humihingi ng mas mahaba pang pasensiya si MMDA General Manager Jojo Garcia sa mga motorista upang bigyang-daan ang pagkukumpleto ng konstruksiyon ng proyekto. Tiniyak din niya na aagapayan ng MMDA ang NLEX Corporation at San Miguel Corporation sa pagmamando ng trapiko upang mabawasan kahit papaano ang inaasahang pagsisikip pa ng trapiko sa panahon ng konstruksiyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here