Home El Tirador Ka-barangay… makialam, alamin at ipaglaban ang mga karapatang pang-komunidad

Ka-barangay… makialam, alamin at ipaglaban ang mga karapatang pang-komunidad

289
0
SHARE

NGAYONG natapos na ang May 14, 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay marapat lamang na may pagmamalasakit na alamin, buong tapang na gamitin at ipaglaban ang ating mga karapatan bilang mga mamamayang Pilipino para sa ikatitiwasay, ikaaayos, ikagaganda, ikabubuti at ikauunlad ng ating mga komunidad.

Kaya naman, sa iyong puso at diwa ay dapat na batid mong lahat tayo ay may pantay-pantay na karapatang-pantao, kahit ano man ang antas ng edukasyon na iyong natapos o narating, maging ano man ang estado mo sa buhay o lipunang kinagagalawan.

Dapat palagian mong isa-puso at isa-isip na hindi marapat na may nakalalamang ng karapatang pantao o mas nakararaming karapatan sa iyo o sa iyong kapwa at mayroong kaakibat na responsibilidad ang bawat karapatan na tinatamasa.

Ang barangay ay nagsisilbi ito bilang pangunahing unit ng pamahalaan para sa pag-plano at pagpapatupad ng mga patakaran, proyekto, programa at gawain para sa mga mamamayan o residente nito.

Nagiging tulay din ito para sa nagkakaisang pananaw ng mga tao na posibleng ipinahayag o inilatag ang kanilang mga opinyon o suhestiyon para maresolba ang mga isyung kinakaharap itong pamayanan.

Ang bawat barangay ay pinamumunuan ng isang Punong Barangay na syang namumuno rin sa Sangguniang Barangay na binubuo ng mga barangay kagawad at mayroon din itong Sangguniang Kabataan na binubuo ng SK (Sangguniang Kabataan) President o Chairman at mga SK kagawad na nangunguna sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mga programang pangkabataan sa barangay.

Bilang isang tunay na makabayan at responsableng botante ay hindi dapat nagtapos lamang sa pagboto ang iyong bahagi nitong katatapos na halalan, bagkus dapat mong alam na batay sa nakasaad sa Section 389 ng Republic Act (RA) 7160 ng Local Government Code ang mga kapangyarihan at responsibilidad ng mga opisyal ng barangay tulad ng pagtiyak sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo para sa kanilang mga nasasakupang residente, nag-oorganisa at pinamumunuan ang isang emergency group sa panahon ng pangangailangan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa oras ng kagipitan o kalamidad sa barangay.

Tungkulin ng mga opisyal ng barangay na panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng sensero at seryosong pagpapatupad ng mga batas at ordinansa ng barangay para maprotektahan ang buong kapaligiran.

Alinsunod naman sa Section 391 ng RA 7160, ang Sangguniang Barangay dapat na gumagawa ng mga batas o ordinansa para sa ikabubuti ng nakararaming mamamayan ng komunidad, pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo gaya ng pangkalusugan.

Kaakibat din sa responsibilidad ng mga opisyal ng barangay ay ang magsagawa ng mga regular na panayam at programa para matugunan ang mga problema ng pamayanan ukol sa nutrisyon, kalusugan, edukasyon, pagkagumon sa bawal na gamot at marami pang ibang usapin. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here