GULAYAN sa Lungsod na may layuning ipaalam ang kahalagahan at kung ano ang maidudulot nitong mga kapakinabangan sa sambayanan, na dumaranas ng kakapusan sa pagkain, at masiguro ang kabutihan at kagandahan ng kalalabasan ng pagkain. Ito rin ay upang maging halimbawa sa lahat at sa mga magaaral na rin kung paano makakaiwas sa malnutrisyon.
Isinulong ang Agrikulturang Panglungsod o ‘Urban Agriculture’, sa mga paaralan at pamayanan, kapanabay ng kaunlarang tinatamasa ng Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM.) Sa pangunguna ni Mayor Arturo Robes, noong ika-18 ng Hunyo, 2019, ay nailunsad ang ikatlong taon ng gulayan sa mga Eskuwelahan. Nilahukan ito ng umaabot sa 32 paaralang Elementarya at 15 sa Sekundarya. Ang nasabing gawain ay pinangunahan ng City Agriculture Office ng LSJDM.
Tsk! Tsk! Tsk! Talaga namang kapaki-pakinabang ang magtanim ng gulay sa ating kapaligiran, sa mga paaralan, sa mga gilid ng bahay at mga nakatiwang-wang na lote sa Lungsod. Batid ba ninyo na maging ang aking maybahay ay may tanim na mga talbos ng kamote sa aming paligid, na lagian niyang inilalahok sa pangaraw-araw na uulamin namin. Dahil sa kabigatan ng aking timbang ay inialis ko ang kanin sa pangaraw-araw na sahog sa kakainin, at ito ay inalinhan ko ng gulay. Kaya gulay at ulam lamang. Maganda itong naisulong at isinagawa ng City Agriculture Office na may patnubay ng Punong Lungsod.
*****
Dahil sa kaunlaran ng Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) natural, darami ang mga tao, mga trabaho, mga negosyo, gawain bayan, gayun din ang mga behikulo sa mga lansangan. Dahil dito maingat at puspusan ang pagaaral upang masulosyunan ang suliranin sa trapiko sa kalunsuran. Nagkaroon ng pagpupulong hinggil sa Road Alignment Project (Bypass Road,) bilang paghahanda na rin sa yumayabong na Turismo ng LSJDM.
Ang nasabing pag-aaral ay pinangunahan ni Mayor Arturo Robes, mga Opisyales ng City Planning Development Office, City Assesors Office, City Engineering’s Office, Department of Public Works and Highways, at iba pang kawani ng Pamahalaang Lungsod.
Tsk! Tsk! Tsk! Panahon na upang pagusapan at gawin ang ganitong mga proyekto. Alalahanain natin na maraming magagandang lugar dito sa San Jose del Monte, ang hindi pa lubusang nararating o nakikita ng mga turista. Ang itinatayong Universal Studio sa may Barangay Paradise, ay tiyak na dadagsain ng mga turista, ang Grotto Shrine na sinasabing nagmimilagro, at ang statuwa ni Padre Pio, na napakalaki. Isama na natin ang mga magagandang Talon at iba pang kabundukan dito na dinadagsa lagian ng mga Hikers. Kapag naayos ang problema sa trapiko, ay tiyak ang kasiyahan ng lahat na dadako sa LSJDM. (RONDA BALITA Online)