Kahalagahan ng pulitiko o lider sa panahon ng pandemya

0
176
Opinion Column ni Vic  Billones lll

HABANG nagkakahuntahan ang mga manginginom ay napagusapan nila ang pagbibigay ng ayuda ng mga pulitiko. Sabi ng isa, “ang ibinibigay naman sa atin ng mga lokal na lider, ay nagmumula din sa nasyunal, na para talaga sa mga mamamayan. At itong mga nasa nasyunal, ang suporta para sa taumbayan, ay nanggagaling sa kaban ng ating bayan, iyan ay mula sa buwis na kinukuha sa atin na rin.”

 Ayon naman sa isa pa ring tumatagay, anya, dito sa lokal na pamahalaan ay may sanggunian na silang gumagawa ng mga panukala at kanilang pinagpapasyahan, ay kung naaayon sa panlasa ng pinaka-puno, ang panukala na naging batas ay agarang naipatutupad.

Kung usapan ay tulong pinansiyal, ito ay natural na kinukuha sa buwis na ating ibinabahagi. Ika pa niya, may epidemyang dapat iwasan, kaya tatangapin niya ang pera at anumang tulong na ibibigay sa kanya ng sinumang pulitiko. Kasi mula iyan sa ating ibinahagi na ibinabalik lamang sa atin.

Tsk! Tsk! Tsk! Hindi  ko matumbok kung ano ang pinaka-paksa ng kanilang paguusap. Ito ba ay tungkol sa buwis? Sa suporta ng Gobyerno sa taumbayan o ang kahalagahan ng isang lider-pulitiko ngayong pandemya?

Naapuhap ko din, na ang kanilang pangunahing paksa pala ay ang kabuluhan ng isang pulitiko, lalo ngayon na naghahari si COVID-19. Sa ngayong may pandemya ay kailangang- kailangan ng tao ang kalinga ng ating pamahalaan. Itong mga pulitiko na iniluklok ng taumbayan, na nagkaroon ng kapangyarihan at impluwensiya, ay silang mga kinatawan ng madla ang nangungunang nakikipagusap, nangangalap ng tulong mula sa mga mapagkawanggawang grupo o tao, at sumasalo ng lahat ng ayuda para sa kanilang nasasakupan.

Minsan ko na rin naiulat ito sa ating Kolum, na muli kong isasariwa sa ating kaisipan, na minsan kayo ay may nakahahalubilong pulitiko o lider, at may naibahagi sa iyong tulong na salapi, sa ganitong pagkakataon ay  huwag agad mag-isip na ito ay isang suhol. Dahil minsan ay makaririnig ka ng salita mula sa isang nais na maglingkod sa bayan ng ganito, “ ito pong salaping hawak ko ay ibinibigay ko sa inyo, huwag po ninyong isipin na ito ay bayad para iboto ninyo ako. Ito ay pambili po ninyo ng gamot para sa inyong karamdaman. Tulong ko po.” Meron naman na bibigyan ka ng isang bagay na may kasunod na salitang, “ Tatay, para sa iyo, isuot mo bagay sa iyo yan, ‘no string attached’ yan.” Iyan ang mga konsuwelo de bobo ika nga ng mga matatanda.

Ang mga matitino at magagaling na pinuno ay tumutulong sa mga tao na yumabong ang kanilang buhay. Kusa nilang ibinabahagi ang kanilang kaalaman, at nagiisip ng mga makabuluhan at magagandang oportunidad at pamamaraan para sa kanilang nasasakupan. Bumubuo sila ng mga samahan para sa taumbayan, para sa matitibay na ugnayan, at kooperasyon sa bawat-isa.

Kaya nga itong pandemyang ito na ating nararanasan, sila mandin ay nasa panganib na madapuan ng ‘virus.’ Subalit silang mga pulitiko o lider ay patuloy na magmumungkahi, susuporta, at lillikha ng mga batas o patakaran na siyang makatutulong sa ating kaligtasan.

Ang makabuluhang papel ng isang pinuno ay upang magbigay ng malinaw na direksyon sa buhay. Tinitiyak ng mga ito na maunawaan, mayakap, at mahikayat ang lahat, tungo sa pagkamit ng mga mahahalagang layunin.

Kaya anuman ang ating isipin, ang mga magagaling na pulitiko o lider na ito ay sila pa rin ang gagabay sa atin at tutulong upang maapula ang patuloy na paglaganap ng ‘human virus.’ Sa buwis man o sa mga taong mapagkawang-gawa kunin ng pulitiko o lider, ang ipambibili ng pagkain o salaping iaayuda para sa tao ay ating pasalamatan. Silang mga pulitiko o lider ang kumikilos para mapadali ang anumang usapin o  tulong na ibinabahagi sa atin ng pamahalaan.  

Alam din naman ng mga lider na ito na kapag sila ay nagkamali o pumalpak sa kanilang gawain, husga at galit ng taumbayan ang siyang kanilang kahaharapin. Hanggang sa muli! (RODNA BALITA Online)

Previous articleGob. Fernando, muling pinaalalahanan ang mga Bulakenyo sa health protocol
Next articleMga mapagsamantala sa panahon ng pandemya
VIC Billones lll was born and raised in Manila, Philippines. He started writing short stories and illustrating in Comics competitively while studying B. S. Journalism at the Lyceum of the Philippines, Intramuros, Manila, in 1977 and graduated in 1981. After graduating from college, he started to write and work in several national newspapers such as The Philippine Tribune, Liberty, KABAYAN and broadsheet Sun Star Manila as a correspondent in the Province of Bulacan. In 2003 he toured in Los Angeles California, USA, for a month. Before he left USA, he met Mr. Calvert Dacanay, then Publisher of TALIBA. Inc. Billones became a columnist and designated as Bureau Chief of TALIBA, Inc USA, based in the Philippines and he left the USA in 2011. In July 2016, Billones asked to work as Consultant for Media Affairs, for City Administrator’s Office at the City of San Jose Del Monte (CSJDM,) Bulacan. Until now, besides his job in CSJDM, he pursues his passion for writing weekly column for RONDA BALITA and RONDA Online News; Board of Editor/Columnist for SAKTO Balita; Columnist for Waterfront News, LATIGO Newspaper, Mabuhay Newspaper, CENTRO News, News Watcher and Luzon Times; Associate Editor/Columnist for KLIMA Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here