Kambal na pinaghiwalay simula kapanganakan, nagkita after 36 years

0
186

NAGKITA sa unang pagkakataon makaraan ng 36 na taon ang isang kambal sa China na napaghiwalay ilang araw matapos silang isilang.

Kinilala ang kambal na sina Wang Hui at Wu Lu na nagkita sa Hangzhou, Zhejiang, China noong nakaraang linggo.

Ayon sa Sohu News, ipinaampon sila ng kanilang mga magulang makaraan lang ng 16 na araw matapos silang isilang.

Natapos ang matagal na paghahanapan nang minsang maikwento ni Wang Hui na isang bus driver sa isang police officer na si Zheng Hangen ang tungkol sa kanyang nawawalang kapatid. Naka-duty sa bus station si Zheng noong araw na iyon.

Ayon sa Shanghaiist, naniniwala si Wang na nasa Hangzhou parin nakatira ang kanyang kapatid dahil minsang may isang pasahero na nagsabi sa kanya na may nakita itong babae na kamukhang-kamukha niya.

Dahil nais makatulong, sinubukan ni Zheng na i-trace ang kanyang kakambal sa police ID database at nadiskubre nitong may 280 na kababaihan ang may parehong araw ng kapanganakan kay Wang.

Inisa-isa niya ang mga larawan at naghanap ng mukhang may hawig kay Wang.

Laking swerte nang may na-trace na match si Zheng na nagngangalang Wu Lu.

Agad niya itong kinontak at napag-alaman ng police officer na ilang taon na ring hinahanap ni Wu ang kanyang kakambal na si Wang.

At sa wakas, muling nagkita si Wang at Wu sa local police station noong Linggo.

Ang malaking surpresa, napagtanto ng kambal na halos magkapitbahay lamang pala ang kanilang tirahan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here