Kapitan ng Muzon ‘sinopla’ ng legal officer ng SJDM

0
74

SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Sinupalpal ng legal office ng City of San Jose del Monte ang mga maling pahayag at akusasyon ng kapitan ng barangay ng Muzon ukol sa pagtatayo ng sementeryo sa barangay at ibang walang basehang isyu na kanyang binuksan.

Kamakailan ay inakusahan umano ni Kapitan Marciano Gatchalian ng Bgy. Muzon si SJDM Mayor Arthur Robes ukol sa pagpapatigil ng pagtatayo ng sementeryo at paglalagay ng streetlights na mga proyekto ng barangay sa programang “Rektang Konek Aksyon Agad” nitong Pebrero 19.

Sinabi ni Gatchalian na ang Sangguniang Barangay ng Muzon ay umutang ng P80 milyon mula sa bangko para sa pagpapatayo ng sementeryo (P40 milyon) at paglalagay ng streetlights (P40 milyon).

Pero ayon kay Atty. Elmer Galicia, city legal officer, ang nasabing planong pagtatayo ng sementeryo sa Muzon ay hindi pinayagan ng city government dahil hindi ito nakasunod sa ilang regulasyon tulad ng makitid na right of way at hindi saklaw sa mga proyekto sa ilalim ng barangay kung kaya’t naglabas ang SJDM ng cease and desist order.

Ayon kay Galicia, walang kapangyarihan ang Bgy. Muzon na magtayo ng sementeryo hangga’t walang pahintulot ng lokal na pamahalaan. Aniya, ang pagtatayo ng walang permiso ay paglabag sa batas at maaaring maging basehan ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo.

Nilinaw din niya na ang planong paghahati ng Bgy. Muzon ay naaayon sa Local Government Code of 1991 na nagsa­sabing ang isang barangay ay maaa­ring mabuo kung may 2,000 na populasyon. Ang Muzon ay may populasyon na 106,603 batay sa 2015 na datos.

Source: Pilipino Star NGAYON

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here