Kaso ng COVID-19 sa Santa Maria, Bulacan, negatibo — PHO

4
59100

MALOLOS CITY, Bulacan — Negatibo ang napaulat na mayroon nang kaso ng Novel Corona Virus 19 o COVID-19 sa bayan ng Santa Maria sa Bulacan.

Ito ang pagtitiyak ni Dra. Joy Gomez, hepe ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) sa isang panayam Martes ng umaga (March 10).

Ayon kay Gomez, nagulat sila sa inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na meron na umanong kaso ng NCOV19 sa bayan ng Santa Maria samantalang wala naman umano silang namonitor na may ganun ngang kaso.

Kahit nga daw ang Regional Office ng Department of Health na naka base sa San Fernando, Pampanga ay walang na-monitor na may confirmed case na ng NCOV19 sa nasabing bayan.

Sinabi pa ni Dra. Gomez na patuloy ang isinasagawa nilang monitoring sa lahat ng bayan at siyudad sa lalawigan ng Bulacan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Bulakenyo.

Inaalam pa sa kasalukuyan ng PHO at ng Regional Health Office ang validity ng nagreport kay Pangulong Duterte na maý kaso na ng NCOV19 sa bayan ng Sta. Maria.

Idinagdag pa ni Gomez na mayroon silang minomonitor na dalawang pasyente na ang isa ay Person Under Investigation PUI at ang isa naman ay Person Under Monitoring PUM subalit na clear na ang mga ito sa NCOV19.

Kaugnay nito, kinansela kahapon ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang klase sa lahat ng antas sa lalawigan ng Bulacan bilang pag-iingat dahil sa may ilan nang kaso ng NCOV19 sa Metro Manila na halos kapitbahay lamang ng lalawigan ng Bulacan.

Pinaalalahan din ng Gobernador ang kanyang mga kalalawigan na ugaliing maging malinis sa katawan at iwasan ang pagpunta sa mga matataong lugar upang makaiwas na mahawahan ng nasabing virus.

Nanawagan din ang Punong Lalawigan sa kanyang mga kababayan na huwag mag panik at manatiling kalmado dahil ginagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng makakaya nito para hindi mapasok ng nasabing virus ang lalawigan. (RONDA BALITA Online)

4 COMMENTS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here