Kauna-unahang funshoot ng mga media at ng kapulisan, isinagawa

0
131
Idinaos ang kauna-unahang Invitational Funshoot ng mga mamamahayag at ng kapulisan, bilang pagpapakita ng mas pinaigting na pagtutulungan upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga nasa sektor ng pamamahayag. (Larawan ni Shane F. Velasco)

CITY OF MALOLOS, Bulacan — Idinaos ang kauna-unahang Invitational Funshoot ng mga mamamahayag at ng kapulisan, bilang pagpapakita ng mas pinaigting na pagtutulungan upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga nasa sektor ng pamamahayag.

Pinangunahan ito ng Presidential Task Force on Media Security sa pakikipagtulungan ng Police Regional Office 3 o PRO 3 at Philippine Information Agency na ginanap sa Camp Olivas sa lungsod ng San Fernando, Pampanga.

May 74 na mga mamamahayag mula sa Gitnang Luzon at Metro Manila ang lumahok sa nasabing funshoot na kasabay na rin ng Marksmanship ng PRO 3.

Ayon kay Presidential Task Force on Media Security Executive Director Jose Joel M. Sy-Egco, isa ring pagpupugay ang funshoot na ito sa mga mamamahayag at pulis bilang mga frontliners ngayong nararanasan pa ang pandemya ng COVID-19.

Isa rin aniya itong mainam na pagkakataon ngayong nawala na ang Pilipinas sa listahan ng limang mga bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag, base sa ulat ng Reporters Without Borders na isang media freedom organization.  

Binigyang diin naman ni Usec. Egco na bagama’t malaking pagsulong na ito sa katatayuan ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado, hindi pa aniya natatapos ang laban upang ipagtanggol at pangalagaan ang buhay ng mga mamamahayag.

Kinatigan ito ni Presidential Communication and Operations Office Secretary Martin Andanar sa kanyang video message na ipinanood sa pagbubukas nitong 1st Invitational Media Funshoot at PRO3 Markmanship.

Aniya, kinikilala ng estado ang kahalagahan ng pagkakaroon ng lehitimo at legal na pag-aari ng Baril, ngunit hindi dapat gawing libangan ang pagpapaputok nito. Sapagkat ito aniya ay dapat magkaroon ng kaakibat na kasanayan at responsibilidad.

Pinayuhan naman ni Police Regional Director PBGen. Valeriano De Leon ang mga mamamahayag na palaging maging responsable sa pagkakaroon at paghawak ng baril ngayong mas pinadali na ang proseso para sa mga lisensiya nito.

Paliwanag pa niya, pagsasabayin na ang durasyon ng mga bisa ng tatlong mga permit sa pagkakaroon at paghawak ng baril bilang pagtalima sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services.

Tinatawag niya itong “555” dahil magiging limang taon na ang bisa ng firearms license, License to Own Firearms at ang permit to carry. Sabay-sabay din ang durasyon ng mga bisa ng nasabing mga lisensiya at permit.

Source: PIA Bulacan  

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here