Kawawang mga SK Kagawad

0
219

NAKAPANUMPA na ang lahat ng bagong halal na barangay captain, mga barangay kagawa, mga Sangguniang Kabataan chairperson at mga SK kagawad.

Para sa akin ay may tila may kulang sa pagkakagawa ng batas tungkol sa Sangguniang Kabataan. Ito ang aking tanong. Bakit ang SK chairperson lang ang may honorarium, samantalang ang pitong kagawad ng SK na inihalal din ng mga kabataang botante ay hindi isinama sa mga halal na may honoraria?

Sabihin na natin na karamihan sa SK kagawad ay mga mag-aaral, wala ba silang karapatang tumanggap ng honoraria? Paano na kung ang mga iyan ay kabilang sa mga naimbitahan ng kanilang alkalde na kailangang mamasahe para makarating sa lugar ng pagtitipon, tiyak na sa sariling bulsa nila manggagaling ang transportation allowance

Kailan man at may mga okasyong dadaluhan ang SK kagawad ay sarili nilang gastos dahil wala silang honoraria. Paano na kung ang isang SK kagawad ay mula sa pamilyang isang kahig isang tuka, tatamarin ang mga iyang dumalo sa lugar ng okasyon na kailangan pa silang mamasahe.

Ang opinyon ko sa bagay na ito ay dapat na maamyendahan ang Local Government Code at isama ang pagbibigay ng honoraria sa mga SK kagawad, pati na rin sa SK secretary at SK treasurer. Huwag namang boluntaryo lang sila. Pare-pareho namang naaabala ang SK chairman at ang mga SK kagawad.

Sinong mambabatas sa Kongreso ang aakda ng panukalang batas na magsususog sa bahagi ng Local Government Code na naroon ang chapter ng Sangguniang Kabataan na isasama ang mga SK kagawad at ang SK secretary at treasurer na mapagkalooban ng honoraria.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here