Home El Tirador Kilos protesta ng Piston, walang naging epekto — LTFRB

Kilos protesta ng Piston, walang naging epekto — LTFRB

306
0
SHARE

WALANG RESPETO sa karapatang-pantao, sadyang maangas at may nakaambang dahas itong mga nasa pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga kaawa-awang pampasaherong tsuper sa ating bansa.

Sukat ba namang ipagyabang ng tanggapan ng LTFRB na wala raw naging epekto ang inilunsad na kilos-protesta nitong nakalipas na Lunes at Martes ng PISTON (Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper Operator Nationwide) dahil hindi naman daw naapektuhan ang nakararaming commuters o mananakay.

Aba’y kung kayo ba naman ay nag-iisip at talagang may tunay na malasakit sa inyong kapwa kababayang Pinoy, ’eh, walang kaabug-abog na tinakot raw pala nitong LTFRB Chairman Atty. Martin B. Delgra III ang mga kayod-kalabaw nating mga jeepney operators at driver sa kakapasada, na tataggalan ng prangkisa ang ipinapasada nilang pampasaherong jeep at kakanselahin din ang kanilang lisensiya sa pamamasada kapag makilahok sa nabanggit na kilos-protesta ng PISTON.

Kung ganyan ba naman ang siste ng tanggapan mo Chair. Delgra, ’eh, wala kang karapatang makihati ng banggitin ang litanya ni Presidente Rodrigo “Digong” Duterte na ang sabi ay “Ako ang inyong SOLOGO-On (I am your servant).

Bakit ikamo? Ang salita at hakbang na may bahid na pananakot ay hindi tunay na pagiging isang “public servant” o lingkod ng taumbayan!

Ang totoong lingkod ng bayan ay marunong alamim, makinig sa saloobin ng pinaglilingkurang sambayanan, may diplomasiyang nakikipag-ugnayan sa bawat panig o partido at may karunungan sa timbangan ang mga masasalimuot na usapin sa may kinalaman ng ating mga kababayan.

kung totoo ngang ang publiko o taumbayan ang pinaglilingkuran ng bagong pamunuan ng LTFRB, aba’y bakit may mga alingasngas na marami itong pinahihirapang grupo o asosasyon ng mga tsuper at operator? Kaya naman kaliwa’t kanan na ang isinasagawang kilos-protesta  ng ibat-ibang samahan ng mga driver at operator dahil na rin daw sa panggigipit ng nasabing ahensiya sa kanila tulad  na lamang ng pag face-out sa mga lumang pampasaherong jeep at ilan pang mga pampasadang sasakyan.

Dumaragsa din ang mga reklamo at pagdaing ng mga nahihirapang aplikante na nagtutungo sa opisina ng NCR-LTFRB para sa pagpo-proseso ng mga papeles ng kanilang mga sasakyan. Napapagod na at nasasayang ang oras at pera ng mga nasabing aplikante sa pabali-balik sa naturang tanggapan simula nang manungkulan ang bagong babae na opisyal dito dahil hindi mabilis ang transaksiyon at hindi maayos ang proseso sa mga isinusumite nilang dokumento.

Ito’y taliwas naman sa dating nakatalagang lalaking opisyal sa nabanggit na tanggapan na mabilis ang pag-proseso sa mga papeles ng mga aplikante.

Ipinagtataka rin ng mga aplikante kung bakit daw sandamakmak ang nakatalagang guwardiya sa NCR-LTFRB bago ka makapasok sa bagong director nito at katakut-takot ang pag-uusisa ng mga ito sa sandaling nais lamang ng mga aplikante na may tanungin ang mga ito sa hepe.

Kaya’t panawagan nila kay PD30 na pa-imbestigahan nito ang tanggapan ng NCR-LTFRB na masyado nang pinahihirapan ang mga aplikante  na nagtutungo sa naturang ahensiya ng gobyerno.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here