Kudos to Brgy. Capt. Domingo G Reyes Jr.

0
155
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

PARA sa mga mamamayan ng Barangay Sipat, sa Plaridel, Bulacan ay malaking kawalan sa barangay ang maagang pagyao ni Punong Barangay Domingo G. Reyes Jr. Ikinabigla ng mga mamamayan ng barangay Sipat, ang hindi inaasahang pagyao ni Kapitan Junior.

Si Domingo G. Reyes Jr. ng Barangay Sipat, Plaridel, kasama ang inyong lingkod.

Si PB Domingo G. Reyes Jr., ay dati ng nakapaglingkod sa barangay Sipat bilang kapitan ng barangay noong taong 2000-2007 at muli nga siyang nahalal nitong Mayo 2018.  Kung sipag ang pag-uusapan ay talagang workcaholic si Kapitan Junior Kalbo. May pagkakataon na inaabot ng gabi ang pagtatrabaho namin sa barangay kaya ako na ang nagsasabi sa kanya na: “Kap, makina man ay ipinapahinga rin.”  Saka pala lang siya magsasabing umuwi na kami.

Kapag may pagawain ang barangay ay siya mismo ang personal na nagsu-supervise sa mga taong nagtatrabaho. Maging ang mga tanod ay kanyang minomonitor lalo na sa gabi dahil masa marami ang nangyayaring kaguluhan sa barangay sa gabi kaysa araw. Kakaiba ang angkin niyang kasipagan na inaabot ng hatinggabi sa barangay hall lalo na kung may kalamidad.

Kapag may mga kautusang bumababa sa barangay buhat sa Department of Interior and Local Government (DILG), maging sa munisipyo ng Plaridel ay hindi siya papayag na hindi maipatupad ang mga kautusan tulad ng road clearing sa barangay road.

Alam niyang may mga kabarangay na magagalit kapag ang kanilang bahay, tindahan o bubong ay nakaungos sa kalsada ay ipinaalis. Sasabihin na lang niya sa mga may-ari ng mga establisimyentong nakakasagabal sa kalsada na: “Tagapagpatupad lang po kami ng batas, kaya nagpapatupad kami ng road clearing.” Hindi rin siya natatakot na mawalan ng boto dahil lang sa pagtupad sa tungkulin.

Ang mga pasaway sa barangay Sipat ay nangingilag kay Kap. Junior. Istrikto siya sa pangangalaga ng peace and order sa barangay. Kapag may lumabag sa health protocols sa panahon nitong panahon ng pandemya ay kanyang ipinahuhuli sa mga tanod at dinadala sa police station.

Ayaw na ayaw niya ang maiingay na tambutso kaya sa ilalim ng ordinansa na nagbabawal sa maiingay na tambutso ay hinaharang sa checkpoint ang mga motorsiklong maiingay ang tambutso, tinatanggap ng mga tanod at pinipitpit ang tambutsong maingay upang hindi na magamit ng mga masaway na motorista.

Agad niyang sinasaway ang mga taong lasing na nag-iingay sa kalsada at pinauuwi at kung matigas ang ulo ay sa presinto na niya pinatutulog. Kaya naman kabalitaan ang ang pangalang “Kapitan Kalbo” sa barangay Sipat dahil hindi siya kayang sindakin ng kahit na sino lalo na ang mga taong pasaway.

Pero nitong gabi bago dumating sa Bulacan ang bagyong Ulysses, walang tigil sa pagpapatrulya si Kapitan Junior sakay ng barangay patrol vehicle at sa pamamagitan ng public address speaker ay nagbibigay siya ng babala sa mga residente na maghanda at mag-ingat dahil sa paparating na bagyo. Wala siyang tulog ng buong magdamag hanggang sa manalasa ang bagyo.

Kinabukasan, 5:30 pa lang ng umaga ay tinawagan niya ako at pinakontak ang mga tanod ng barangay dahil magsasagawa kami ng road clearing dahil maraming punongkahoy na natumba sa kalsada na kailangang matanggal upang madaanan ng mga sasakyan.

Maghapon kaming naghawan sa barangay at kahit na may iniinda siyang karamdaman tulad ng pangangasim ng sikmura at panghihina ay humawak pa rin siya ng chain saw at nagputol ng mga sanga ng punongkahoy na itinumba ng malakas na bagyo.

At noong November 16 ng madaling-araw ay dinala sa Marcelo-Padilla General Hospital si Kapitan Junior. Siya mismo ang tumawag sa akin sa cellphone na naka-confine siya sa ospital at kailangang salinan siya ng dugo dahil bumaba sa 7.4 ang kanyang hemoglobin. Kinabukasan, November 17 ng alas-dose ng tanghali ay nagawa pa niyang tumawag sa akin at sinabi na kailangang salinan pa siya ng tatlong bags ng dugo dahil nagkulang ang unang 3 bags na isinalin sa kanya.

Makaraan ang ilang oras ay tumawag sa akin ang aming barangay clerk at sinabing tinubuhan na si Kapitan Junior at ang kasunod na tawag ng aming clerk ay nalagutan na ng hininga ang aming punong barangay.

May mga pangyayari na mahirap ihanap ng kasagutan at may nagsabi na bakit siya pa na mahusay at matinong kapitan ang kinuha ng Diyos. Sadyang hindi natin maaarok ang lalim ng kalooban ng Diyos. Siya ang nakaaalam ng lahat ng bagay. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here