Kulungan hindi lang sa may kasalanan pati rin sa kinakapos ng kapalaran

0
185

MINSAN ako po ay napadaan sa isang Panlalawigang Piitan na hindi ko na po babanggitin kung saan ang piitang ito kung saan ay isang matandang babae o lola ang pumukaw sa aking damdamin. Iyak po ng iyak si lola kaya po hindi ko natiis na siya ay aking lapitan upang aluin at kausapin upang malaman ang dahilan kung bakit mistulang “PINAGSUKLUBAN NG LANGIT AT LUPA” ang kahabag-habag na matanda.

Sa aming naging maikling sandali ng pag-uusap, ibinulalas ni lola ang kanyang SINTIMYENTO AT SAMA NG LOOB sa pamahalaan dahil daw sa hindi maayos at di pantay na pagpapatupad ng batas. Hinding-hindi ko makakalimutan ang kayang tinuran.

Ayon kay lola “MAWAWALA NA MARAHIL AKO DITO SA MUNDO NA HINDI KO NA MAKIKITA ANG PAGLAYA NG AKING MAHAL NA ANAK”. Dinampot ang anak ko na walang kinalaman sa kasalanang kanilang ibinibintang.

Sa paputul-putol na pananalita at boses na gumaralgal, paulit-ulit ang kanyang pagtatanong. Bakit, bakit at bakit ang aking anak? Dahil ba sa kami ay mahirap lamang? Mahirap na walang kakayahang ipagtanggol ang sarili kahit alam naming “tumatagilid na ang timbangan ng katarungan”.

Marami pang mga katanungan ang aking narinig mula sa kay lola. Mga katanungang punung-puno ng hinanakit, pagdaramdam at hinagpis. Nagpipilipit ng mga daliri, senyales ng matinding sama ng loob at galit.

Sa tagpong iyon ay minabuti ko ng magpaalam sa matanda sa katotohanang wala naman po akong magagawa. Matagal-tagal na rin po ang pangyayaring iyon at ilang taon na ang nakalilipas, subalit sa tuwing ako po ay mapapadaan at mapapasilip kahit saang piitan o kulungan, mulit-muli ay bumabalik sa aking alaala si lola, kasabay ng isang katanungang “BUHAY PA KAYA SIYA AT KUNG ANG KANYANG ANAK AY NAKALAYA NA?”

Sa ganitong pangyayari, hindi ko rin malaman kung sinu-sino ang nararapat buntunan ng sisi. “Ang usad pagong ba na takbo ng paglilitis sa mga kaso o ang mga taong tagapagpatupad ng batas na kalimitin ay binubutas ng ilang tiwaling mambabatas”.

Hindi po maikakaila na napakaraming nakakulong ang “INOSENTE” na hanggang sa kasalukuyan ay nagdurusa sa kasalanang hindi naman sila ang may gawa. Sabi nga ay mga biktima ng maling akala. Hindi po natin kayang bilangin sa ating mga daliri ang mga taong naririyan sa mga kulungan o sa sinasabing libingan ng mga buhay. Mga kapatid nating nawasak ang pagkatao at nawalan ng kinabukasan. Nasaan ang sinasabing ang batas ay pantay-pantay at parehas?

Sa puntong ito, kumbinsidong-kumbisido si PILANTIK sa paniniwala ng nakararami na hanggang sa kasalukuyan ay nangyayari na “Ang piitan daw o kulungan ay hindi lamang para sa mga taong may kasalanan, kundi maging sa mga taong kinakapos ng kapalaran”.

Isinulat ko po ang artikulong ito hindi sa pagmamarunong, bagkus ay upang KALAMPAGIN ang mga ahensyang may pananagutan at kapangyarihan sa paglilitis sa mga “kasong nabubulok na at kinukulapo at higit sa lahat ay sa mga kagalang-galang daw ‘kuno’ na tagagawa at tagapagpatupad ng batas na sana naman ay inyong ipakita sa taumbayan na kayo ay naririyan upang aming maging sandigan sa oras ng aming kagipitan at pangangailangan”.

Samantala, kaugnay po ng usapin ng pagpapatupad ng batas, hindi ko ipinapangako subalit atin pong pagsusumikapan na ilathala kung ano diumano ang ilan sa tunay na pangyayari kung inyo pong naaalala yung dalagitang pinatay at ginahasa sa Brgy. Dampol 1st sa bayan ng Pulilan. Sa kasalukuyan po ay kinukumpleto lamang po natin at iniisa-isa ang mga bagay na ipinagtapat ng ama ng isa sa sinasabing suspek sa nasabing panggagahasa at pagpatay. Personal pong nakipag-usap kay PILANTIK ang ama ng akusado.

At kung papalarin ay isasabay na rin po natin ang diumano na ginagawang PANGHAHARAS sa mga tauhan ng isang restaurant ng ilang barangay tanod sa Brgy. Tinejero sa Pulilan. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here