NAGBIGAY na ng kanyang direktiba si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang gabinete na hindi niya isasailalim ang buong Pilipinas sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) maliban na lamang kung magsimula nang mag-rollout ang bakuna.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kinikilala ng Chief Executive ang kahalagahan ng muling pagbubukas ng ekonomiya at epekto nito sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Magkagayon pa man, mas binigyan ng Pangulo ng “higher premium” ang public health at kaligtasan.
Sa kabilang dako, nais ni Pangulong Duterte na magsimula na ang pagbabakuna “as soonest possible time” upang mapaluwag na ang community quarantine sa bansa.
Sa ulat, mas nakakaraming Metro Manila mayors ang pabor na sa pagsailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) sa Marso.
Ito ang inihayag ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na nagsabing sa ginanap na pulong kamakalawa, siyam sa mga NCR mayors ang bumoto sa MGCQ, habang walo naman ang pabor sa general community quarantine (GCQ) .
Nabatid na sa MGCQ at GCQ tanging nasa edad 15 – 65 lamang ang pinapayagang lumabas ng bahay.
Ang resulta ng botohan ang isusumite sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), na irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Tiangco na ipinaliwanag ng mga economic managers ang pagpapatupad ng MGCQ upang makabawi ang ekonomiya ng bansa dulot ng pandemya ng COVID-19.
Gayunman, tutol ang MM mayors sa panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na payagan na ang mga indibiduwal na nagkakaedad ng mula lima hanggang 70-taong gulang na makalabas ng kani-kanilang mga tahanan.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, walang nakikitang pangangailangan ang mga alkalde sa National Capital Region (NCR) na payagan na ang mga taong nasa naturang age range na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan, dahil maaari aniyang maging ‘super spreaders’ sila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Sa kabuuan, ang mga mayor ayaw talagang ibaba sa limang taon hanggang 70 taong gulang dahil wala naman talagang nakikitang pangangailangan at baka maging super spreader pa ‘yung mga ganitong edad.”
Source: REMATE Online