Lalaking nanaksak ng basag na bote sa Ilocos Sur, kinasuhan!

0
178

VIGAN CITY — Sinampahan ng kasong attempted homicide ang isang lalaki sa Caoayan, Ilocos Sur matapos na saksakin nito ng basag na bote ang isa sa mga nakaaway nitong lalaki.

Kinilala ng PNP-Caoayan ang suspek na si Roderick Molina, 28 anyos, ng Brgy. Fuerte, Caoayan, Ilocos Sur habang ang biktima ay nakilalang si Jhovany Almarez, 20 anyos, kalugar ng suspek.

Base sa imbestigasyon, ang grupo ng suspek at ang grupo ng biktima ay nakitang magkahiwalay na nag-iinuman sa Seaside Videoke Bar noong gabi ng January 19.

Nabatid na bigla umanong naghamon ng away ang grupo ng suspek sa grupo ng biktima kaya ang grupo ng biktima ay nagpatulong sa mga taga-Brgy. Fuerte hanggang sa matigil ang gulo.

Base sa ulat, bandang 12:10 am ng January 20, nang pauwi na ang biktima ay dito na siya inabangan ng suspek.

Matapos na magkasagutan ang dalawa, dito na sinaksak ng suspek ng basag na bote ang biktima.

Ang biktima ay nagtamo ng sugat sa kanyang kamay at pati na rin sa kanyang leeg na ngayon ay nakalabas na mula sa Gabriela Silang General Hospital habang ang suspek ay nakakulong naman sa Caoayan Municipal Police Station. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here