Lights and sounds industry magpapailaw sa Linggo ng gabi bilang pagsaludo sa mga frontliner

0
693

BALAGTAS, Bulacan — Tinatatayang nasa 1,670 miyembro ng lights and sounds industry ang nagkaisa na paliwanagin ang kalangitan sa darating na Linggo ng Pagkabuhay bilang pagsaludo sa lahat ng mga frontliner kontra sa mapamuksang COVID-19.

Ayon sa admin ng FB account na We Light As One na si Iwad Ilagan, nagkaisa ang libu-libong miyembro ng lights and sounds industry sa kauna-unahang pagkakataon sa isang positibong pamamaraan ng panalangin at pasasalamat.

Ang mga sasali na umabot na sa bilang na 1,670 ay asahan pang lolobo bago ang araw ng pagpapaliwanag sa kalangitan sa Linggo.

Base nasagap na impormasyon ng RONDA BALITA Online, uumpisahan bandang alas-7 hanggang alas-8 ng gabi ang naturang pagpapailaw.

Nais nilang ipabatid sa mga sasali na bandang alas-7 hanggang alas-7:05 ng gabi ay steady beam light lamang muna o nakatutok sa direksyon ng kalangitan bilang paunang pasasalamat at pagsaludo sa lahat ng mga frontliner.

Bandang alas-7:05 ay magiging malaya ang lahat sa kanilang slow search movements sa kalangitan hanggang 7:55 at ang natitirang limang minuto ay steady muli bilang pampinal na pasasalamat at pagtatapos ng aktibidad.

Pinayuhan ni Ilagan ang lahat na sumunod sa protokol o batas sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine upang maipatupad ang social distancing at ang curfew.

Aniya, sa mga hindi makakatapos ng isang oras dahil sa curfew ay hinimok nilang i-steady ang ilang huling minutong natitira sa pagpapa-ilaw sa kalangitan.

Naglabas na rin ng karagdagang gabay at alitununin ang naturang grupo sa pagpapailaw alinsunod sa protokol ng ECQ.

Pinayuhan ni Ilagan na maaaring mag-set-up sa rooftop, terrace, loob ng bakuran, bintana sa direksyon pataas at kontrolin sa loob ng bahay.

Maaari rin umanong gumamit ng isa, dalawang ilaw o depende sa kakayanan, at sa lawak ng lugar at mas mainam umanong gumamit ng kulay puting ilaw bilang simbolo ng kalinisan, kaayusan at pag-asa.

Para naman sa malayo ang bodega sa bahay ay maaari namang tapusin agad ang pagpapa-ilaw para mailigpit agad ang gamit at ipagbigay-alam sa kinauukulan o barangay upang hindi malabag ang curfew.

Hangga’t maari ay huwag na umano mag-set up ng sounds at kung hindi maiiwasan ay tiyakin lamang na nasa tamang lakas at lugar upang hindi maireklamo ng kapitbahay.

Mariing idinagdag pa ni Ilagan sa umpisa ng aktibidad ay samahan ng taimtim na dasal para sa kaligtasan ng mga frontliner, paggaling ng mga may sakit na COVID-19 at pag-alis sa epidemya sa buong bansang Pilipinas at sa buong mundo.

Sinasabing ang ilan sa mga kasapi ng grupo ay may mga mahal sa buhay na kabilang sa frontliners sa bansa at ibayong dagat.

Pinababatid din na kaalinsabay ng naturang aktibidad ay magkakaroon din ng fundraising campaign at ang malilikom ay ibibili ng PPE (Personal Protective Equipment) para sa ating frontliner.

“Kami po ay walang pananagutan sa sinuman na magkakaproblema sa kanilang lugar dahil lahat po ito ay nakadepende sa polisiya ng nakakasakop sa inyong lugar,” ani Ilagan. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here