Local Transmission ng COVID-19

0
172
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NAGBABALA ang Department of Health sa pamamagitan ni Sec. Francisco Duque, na posibleng mangyari ang local contamination o paghahawahan ng coronavirus (COVID 19) kung sakali na lumaganap ang sakit na dulot nito sa ating bansa.

Ang human-to-human transmission ng 2019 nCoV ay nangyayari ngayon sa bansang China kung saan mahigit isang libongTsino na ang namatay bunsod ng nasabing karamdaman. Salamat at isang kaso pa lamang ng pagkasawi sa COVID 19 ang naitala sa ating bansa at huwag na sanang kumalat pa sa ating bansa ang naturang virus.

Maging sa bansang Japan ay nangyayari na rin ang local transmission dahil ang mga taong galing China na carrier ng COVID 19 na mula sa kanila ay nailipat sa local resident ang virus at ang taong nahawaan ng virus ay naikakalat din ang virus sa iba sa pamamagitan ng transmission.

Ayon kay Secretary Duque, may posibilidad na mangyari ang pinangangambahan ng mga Pilipino na local transmission ng COVID 19 dahil may mga kababayan tayo na patuloy na iniimbestigahan kung sila ba ang kontaminado o negatibo sa nasabing virus.

Sila ang mga kababayan natin na nakasalamuha ng tatlong Chinese tourist na galing ng Wuhan, China, na nagpositibo sa novel coronavirus. Isa sa kanila ang namatay habang ginagamot sa San Lazaro Hospital sa Maynila at ang dalawa ay gumaling makaraang tamaan ng COVID 19.

Sa kabila nito, tiniyak ni Duque na sapat ang paghahandang ginagawa ng DOH kung sakali na mangyari ang local transmission ng COVID 19. Gagamitin ng ahensiya ang preparasyon na kanilang isinagawa noong 2003 nang lumaganap sa iba’t ibang bansa sa mundo ang Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) kung san sa Guandong province sa timog China, nagkaroon ng unang kaso ng SARS.

Matatandaan na dalawa ang nasawi sa SARS dito sa Pilipinas. Isang Filipina nursing assistant na galing Canada, at ang kanyang ama na nahawa sa kanya. Bukod sa dalawa, wala nang naiulat pang namatay sa SARS sa bansa noong 2003.

Bagamat may mga kaso ng persons under investigation (PUIs) sa ating bansa na binabantayan ng DOH, at tiwala pa rin ang DOH na magagawa nilang kontrolin ang naturang sakit kahit na magkaroon ng local transmission ng COVID 19. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here