Lola at dalawang apo, natusta sa sunog sa San Ildefonso

0
557
Pinagmamasdan ni San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan ang magkakayap na mga labi ng biktima ng sunog sa Barangay Lapnit nitong Linggo ng madaling-araw (Jan. 10, 2021).

SAN ILDEFONSO, Bulacan — Natagpuang magkakayakap sa loob ng kanilang banyo at halos hindi na makilala dahil sa natusta ng apoy ang isang lola at dalawa nitong apo, matapos na masunog ang kanilang bahay nitong Linggo ng madaling araw (Jan. 10) sa Brgy. Lapnit dito sa nabanggit na bayan.

Kinilala ni SFO4 Roniel Galvez, San Ildefonso Chief Fire marshall ang tatlong biktima na sina Zenaida Peraña, 75 anyos at ang dalawa nitong apo na si Donalyn Pacunla De Guzman, 12 anyos at Zafae Celedonio, 6 anyos.

Faulty electrical wiring diumano ang pinagmulan ng naturang sunog na umabot sa unang alarma.

Dakong alas 12:09 ng madaling araw ng makatanggap ng tawag ang San Ildefonso Fire Department na may nasusunog na bahay sa nasabing barangay.

Gawa umano sa light materials ang nasabing bahay ng mga biktima kung kaya mabilis na kumalat ang apoy na nagsimula sa silong ng bahay.

Posible umanong nagkubli ang mga biktima sa banyo sa pag-aakalang maliligtas sila sa naglalagablab na apoy.

Tinatayang aabot sa P200,000 ang tinupok ng apoy na naapula dakong ala-1ng madaling araw.

Sinabi naman ni Mayor Carla Galvez Tan na sasagutin niya ang pagpapalibing sa tatlong biktima ng sunog. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here