Home Featured Story Longganisang Calumpit, malinamnam na timpla ng pagsisikap at tagumpay ng isang...

Longganisang Calumpit, malinamnam na timpla ng pagsisikap at tagumpay ng isang ina

74
0
SHARE
Bilang kauna-unahang gumagawa ng Longganisang Calumpit na rehistrado sa pamantayan ng Food and Drug Administration (FDA), tinitiyak ni Rosemarie Garcia ang kalidad ng bawat piraso ng longganisa mula sa laki, timbang na 50 gramo at lalung lalo na sa 'Lasang di' mo ipagpapalit'. (PIA photo)

WALANG hindi nakakakilala sa Longganisang Calumpit bilang paboritong pasalubong kapag nadadayo sa ibang bayan o sa labas ng Bulacan. Lalung lalo na, hindi maitatanggi ng marami nang nakatikim at nakakain nito ang hindi maipaliwanag na lasa, sarap at linamnam ng Longganisang Calumpit. Tapos ka nang kumain, pero kapag dumighay ka, maamoy mo pa rin ang kasarapan nito.

Makikita sa larawan ang pakete ng tatlong uri ng longganisa na likha ng Rose Garcia Longganisang Calumpit na matamis, maanghang at bawang.

Matagal nang sikat ang Longganisang Calumpit at hindi mabilang ang dami ng mga gumagawa nito sa nasabing bayan. Pero ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, pormal nang nakapasok sa pambansa at pandaigdigang merkado ang produktong ito dahil sa pagiging rehistrado at aprubado ng Food and Drug Administration.

Nasa likod nito ang isa ring dating karaniwang nagtitinda ng Longganisa sa palengke ng Calumpit, si Rosemarie Garcia. Kung tutuusin, mas maraming naunang nagtinda sa kanya ng Longganisa at sobrang masasarap din ang kanilang mga gawa na natikman na ng mga naunang henerasyon ng mga mamimiling Bulakenyo at Pilipino. Pero natatangi ang naging ambag ni Garcia sa lalong pagtataas ng kalidad sa panibagong antas sa paggawa ng Longganisa. Bilang kauna-unahang FDA-accredited na gawaan at tindahan ng Longganisang Calumpit, ang Rose Garcia Longganisang Calumpit, regular na itong mabibili sa mga malalaking supermarkets at malls sa Metro Manila at mga pangunahing lungsod sa bansa.

Kagaya rin si Garcia ng karaniwang nagtitinda sa palengke na ang tanging hangarin ay makapaghanapbuhay upang may maipakain sa pamilya at mapag-aral ang mga anak. Pero para sa kanya, hindi niya namalayang nagde-derecho ang paglago ng kanyang simpleng hanapbuhay sa katatayuan nito ngayon.

Bagama’t nakatapos sa pag-aaral sa kursong Turismo at bahagyang nakapagtrabaho sa isang five star hotel, ito sana ang tinatanaw niyang maging simula ng kanyang karera. Ngunit dahil nakapag-asawa nang maaga, hindi nagtuluy-tuloy ang kanyang pagsulong upang maabot ang pangarap sana na maging isang flight attendant. Nahinto sa pagtatrabaho at matagal na natengga sa bahay.

Hanggang inalok na makapagtinda ng manok sa palengke ng Calumpit. Pagkukwento ni Garcia, may nagpahiram sa kanya ng halagang P500 at nagtinda siya ng 10 pirasong manok. Hirap na hirap aniya siyang itinda ang 10 pirasong Manok dahil hindi ito nabibili lahat sa maghapong pagbabantay sa pwesto sa palengke. Sa kanyang pagkainip sa pwesto, nakikita niya sa ibang nagtitinda na mas mabili sa palengke ng Calumpit ang Longganisa. Doon naisip ni Garcia na subukang magtinda rin nito kaya’t humango siya ng Longganisa sa mga gumagawa nito sa Calumpit.

Makikita sa larawan ang pakete ng tatlong uri ng longganisa na likha ng Rose Garcia Longganisang Calumpit na matamis, maanghang at bawang.

Sa pasimula ng pagtitinda ng hinangong Longganisang Calumpit, binibilihan na siya ng mga namamalengke. Ngunit palagiang tinatanong sa kanya kung gawa at timpla ba niya ang mga ito. Doon aniya siya natauhan na bakit hindi niya subukang siya naman ang gumawa at magtimpla ng sarili niyang tindang Longganisang Calumpit.

Taong 2010, nakahiram muli siya ng perang puhunan na halagang P1,000.00. Sinimulan niyang humango ng 10 kilong giniling at tinimpla niya ito. Nakakaisang taon pa lamang sa pagtitinda ng sariling timplang Longganisang Calumpit, isang mamimili niya ang naghikayat sa kanya na kumuha ng mga kaukulang permits sa Department of Trade and Industry (DTI). Sapagkat ito palang mamimili na ito ay isa ring mangangalakal ng Longganisa na humahango sa Calumpit at siya namang itinitinda sa mga supermarkets sa Metro Manila.

Ngunit dahil hindi rehistrado ang Longganisang gawa ni Garcia, hanggang palengke lamang ito pwedeng itinda, na umaasa sa tingi-tinging bumibili, hindi ito maipapasok sa mga supermarkets na bumibili nang bulto-bulto. Dito nagpursige at tinutukan ni Garcia ang pag-aasikaso sa mga papeles sa DTI. Una rito ang pagkakaroon ng business name noong 2014 at siya’t unang ipinasok ng DTI bilang trainee sa Small and Medium Enterprises Roving Academy o SMERA.

Doon na nagsimulang yumabong ang kanyang hanapbuhay na Longganisang Calumpit. Nagkataon namang noong panahon ding iyon mas napalapit ang DTI sa Calumpit dahil sa pagbubukas ng Negosyo Center sa mismong palengke. Kaya’t naging madali sa kanya na magproseso ng iba pang kailangang dokumento. Dahil sa patuloy na paglakas ng kanyang produksiyon bunsod ng dumaraming suki sa palengke, ito naman ang nagbigay daan upang kanyang bakuran ay patayuan ng isang manufacturing-processing center noong 2015. Matatagpuan ito ngayon sa barangay Caniogan na nasa likod ng palengke

Taong 2016, sa tulong at gabay ng DTI at ng Negosyo Center, matagumpay niyang natamo na magkaroon ng rehistro sa FDA na kauna-unahang maglo-longganisa sa Calumpit na mayroon nito. Ayon kay DTI-Bulacan Provincial Director Zorina ‘Rhine’ Aldana, ang pagkakaroon ng FDA ng Rose Garcia Longganisang Calumpit ay nagbukas ng pinto upang makapasok ito sa pambansa at pandaigdigang merkado. Halimbawa na rito ang pagiging aktibong kalahok sa Sikat Pinoy National Trade Fair, Likha ng Central Luzon, International Food Expo (IFEX) at sa nalalapit na Franchise Asia Expo. Binigyang diin din niya na patunay ito sa epektibong pagpapatupad ng mga programa ng DTI sa ilalim ng One Town, One Product (OTOP) Next Generation at ng MSME Development Plan 2017-2022.

Halimbawa na rito ang pagiging mentees ni Garcia sa Kapatid Mentor Me program batch 1 ng DTI-Bulacan na nagpalakas pa ng kakayahan bilang isang babaeng negosyante.

Kaugnay nito, ipinaliwanag pa ni Garcia na kung ano ang narating ng Longganisang Vigan at Longganisang Lucban, malaki aniya ang laban ng Longganisang Calumpit ng mga Bulakenyo dahil sa timpla nitong at “Lasang hindi mo ipagpapalit!”. “Mayroon akong pangarap para sa Longganisang Calumpit na maging mas lalong stable ang branding nito kapag pumunta ka ng Bulacan, kasamang hahanapin ang Longganisang Calumpit para ring kung paano nakilala ang Longganisang Vigan at sa Lucban,” dagdag pa niya. Katunayan, bilang resulta ng kanyang pagsisikap na tunay ngang magkaroon ng pagkakakilanlan ang Longganisang Calumpit, natamo niya kamakailan na ang Certificate of Product Registration (CPR).

Kaya’t hindi kataka-taka na nauubos kada linggo ang mga gawang longganisa ng Rose Garcia Longganisang Calumpit sa mga supermarkets sa Landmark, Trinoma, Unimart at South Supermarket. Sa mga tagumpay na ito, ang dating mentees ng Kapatid Mentor Me ay isa ngayon sa mga mentor sa batch 3 nito na kasalukuyang sumasailalim sa pagsasanay.
Sa pagdiriwang naman ng Pandaigdigang Buwang ng Kababaihan, pinagkalooban din siya ngayong taon ng Gawad Medalyang Ginto, na isang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga babaeng may natatanging ambag sa bawat sektor.

Ang narating ni Rosemarie Garcia ay higit pa sa konkretong dalawang palapag na bahay, modernong sasakyan at pagpapa-aral sa dalawang anak na nasa kolehiyo at grade 11. Higit pa rin ito sa kanyang kakayahan na makapagpasahod ng minimum wage sa walong tauhan sa gawaan ng kanyang Longganisa at tulong kabuhayan sa tatlong kababayan sa Calumpit, kundi ang natamo niya’y salamin na ang Bulakenya, hindi mapipigilang lalo pang iposisyon ang sarili sa hanay ng mga nangunguna.

Sa timpla ng Longganisang malalasahan ang pagsisikap ni Rosemarie Garcia, Tagumpay ka ng Bayan!

Source: PIA

SHARE
Previous articleTerminal 2 ng CRK, 56% nang tapos
Next articleRepublic introduces fly ash for stronger, sustainable structures
A team of journalist came up with a newspaper that would complement the fast-paced development now happening in the country. Presently, social media, online news, and other multimedia press centers are active nowadays and the people behind RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente created a modern digital news site whose products include newsfeeds, online news releases and advertisements and it is entitled RONDA Balita Online News.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here