LTFRB magbubukas ng 10,000 bagong TVNS slots

0
59
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA ’igan, umapela si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra sa mga miyembro ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) na kailangan na nilang mag-fulltime para mapunuan ang malaking kakulangan ng mga pumapasada.

Plano kasi ng LTFRB na magbukas ng 10,000 na bagong slots para sa mga TNVS.

Subali’t kinuwestyon ito ng grupo ng The Passenger Forum (TPF) ang LTFRB dahil hindi naman taxi ang prangkisa ng TNVS.

Sa isang banda mga ’igan, may katwiran ang TPF kasi nga naman for public transport ang galaw ng mga pribadong sasakyan na yan.

Malinaw rin na part-time lang ang trabaho ng mga TNVS. At dapat lang din na limitahan ang mga damuhong operator nito.

Lubhang makakaapekto ang mga operators ng TNVS sa mga sasakyan na totoong may prangkisa at araw araw na namamasada.

Hek… Hek… Hek… lupit talaga ng LTFRB. Hindi nyo na nga masubaybayan ang talamak na pananamantala ng mga taxi sa kanilang mga pasahero magdadagdag pa kayong panibago.

Haisssssst… Bukod sa mga abusadong taxi ay naglipana rin ang mga kulorum na namamasada sa mga lansangan. Nandyan ang UV express habang ang iba naman ay mga pribadong van na pag-aari ng mga pulis na sila rin mismo ang nagmamaneho.

Mga jeepney na walang prangkisa pero tuloy ang pamamasada. Ang problemang ito ang dapat tinutukan ng tanggapan ni Delgra,

Ang dami ng inyong binuo na task force sa LTFRB na dapat nakikita nila ’yan. Parang gusto ko ng maniwala na bulag ang mga mata ng inyong mga tauhan para hindi makita ang mga problemang ito.

Sabagay, posible rin naman na may malalim na ugnayan ang mga operators ng kulorum sa mga taga LTFRB.

Maraming paglabag sa hanay ng mga namamasada ang hindi na lang pinapansin ng mga damuhong nasa naturang ahensiya.

Maging ang National Telecommunication Commission (NTC) ay bingi at bulag rin sa kalakaran ngayon ng mga UV Express at iba pang mga kolurum dahil lahat ng namamasada na yan mga ’igan ay may mga bitbit na radyo.

Kaya hirap makahuli ng kulorum ang LTO, LTFRB, at maging ang I-ACT ng MMDA dahil sa hindi lisensyadong radyo.

At dito’y nagmumukhang katawa-tawa ang mga tauhan ng NTC dahil harap-harapan silang pinaglalalangan ng mga operators.

Malaking halaga ng buwis ang nawawala sa gobyerno dahil sa mga paraan na tulad nito. Mantakin n’yo ilang libo ang mga UV Express na ’yan ang araw araw na bumibiyahe.

Hindi pa kasama ang mga private van na may ruta na Caloocan via Malolos- Apalit.

Anyway, hintayin natin kung may gagawin ang mga opisinang ating natukoy.

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon mag send lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here