Home Pilantik LTO, plaka ba talaga o magkapera?

LTO, plaka ba talaga o magkapera?

25
0
SHARE

MAITUTURING na isang malaking “kabalbalan” ang gustong mangyari at ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) na lakihan ang mga plaka ng mga motorsiklo sa likuran at harapan bahagi nito.

Ito daw “kuno” ay upang madaling malaman at makita ng mga otoridad na ang mga motoristang lumalabag sa batas, higit sa lahat ay yaong sinasabing mga riding-in-tandem.

Matanong ko lamang po, hindi po ba’t karamihan sa mga motorsiklong ginagamit nitong tinaguriang riding-in-tandem ay mga walang plaka at kung may mga plaka man ang mga letra at numero halos ay burado na at hindi rin para sa mga motorsiklo na kanilang dala-dala.

Plaka na naman ang idinadahilan, samatalang napakaraming sasakyan at mga motorsiklo ang halos ay nangaluluma na ay hindi nila (LTO) mabigyan ng kaukulang plaka . Isa pa , ano na ang nangyari sa mga plakang di umano ay ipapalit sa mga lumang plaka na kanilang siningil sa halagang P500 ng sapilitan na magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nga nila natugunan.

Aba, mahiya naman ang mga taga-LTO. Huwag namang puro na lang pera ang laman ng kukote ninyo. Baka ang buong akala n’yo ay puro “mangmang” ang mga motoristang pinanggagalingan ng kinakain ng mga pamilya n’yo.

Sa gustong mangyari ng ahensyang ito (LTO ) ng pamahalaan, maliwanag pa sa SIKAT NG ARAW na nagpapapasok na naman sila ng malaking halaga habang tayong mga motorista ay sa sarili nating mantika ang kanilang direktamentong kanilang GINIGISA.

Sa ginagawa nilang iyan ay hindi maiaalis sa isipan ng taong bayan na kayo ay pagdudahan at pag-isipan na puro kayo GANID SA PERA at maging ang aking sarili ay hindi ko maialis ang matinding pagdududa na hangad lamang ninyo ay magkamal ng malaking halaga. Hindi po ba? Talaga kayang ang mga taong ito ay walang kasiyahan at kabusugan?

Sa inyong nagsusulong ng katarantaduhang ito, huwag ninyong hintayin pang “masaid ang pasensya” ng libu-libong motorista ng dahil lamang sa hindi tama at makatwirang garapal na pagnanasa. Plaka, plaka, puro na lang kayo plaka.Ilaba na muna n’yo ang nilulumot na binayarang plaka. Hindi iyang wala kayong iniisip at inaatupag kundi ang magkamal ng salapi.

Ang iba nga naman nauulol kapag pera na ang pinag-uusapan. Konting kahihiyan at hindi iyang dinadaan na lang sa “pakapalan”.

Plaka ba talaga ang solusyon o magkamal ng milyones ang tunay na ambisyon? Nagtatanong lang po! (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here