Home National News Lupang pamana ni SGMA sa Malolos, inalala at ipinagpasalamat

Lupang pamana ni SGMA sa Malolos, inalala at ipinagpasalamat

31
0
SHARE
Ipinasyal ni Malolos City Mayor Christian D. Natividad si dating Pangulo at ngayo'y Speaker of the House of Representatives Gloria Macapagal Arroyo sa Casa Real de Malolos na ngayo'y Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP). Dito niya iniulat sa dating pangulo, na nakatakda nang pasinayaan sa Hunyo 24 ang bagong City Hall ng Malolos na naitayo sa gitna ng 10 ektaryang lupang kanyang ipinagkaloob noong 2004. (Kuha ni SHANE FRIAS VELASCO)

LUNGSOD NG MALOLOS — Patuloy na tumatanaw ng utang na loob ang mga mamamayan ng Malolos kay dating Pangulo at ngayo’y Speaker of the House of Representatives Gloria Macapagal Arroyo, sa mga pamana nito noong siya’y pangulo pa ng bansa.

Sa pagdiriwang ng Ika-121 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa makasaysayang simbahan ng Barasoain, naging pagkakataon ito upang personal na pasalamatan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang dating pangulo na tumatayong panauhing pandangal.

Ayon kay Mayor Christian D. Natividad, “mahal na pangulo, hindi po natatapos ang pasasalamat naming mga taga-Malolos sa ibinigay po ninyong 10 ektaryang lupa para sa lungsod ng Malolos noong 2004. Dati po ay isa itong malaking bakanteng lupa, ngayon po ay tinayuan po namin ng bagong City Hall, Malolos Central Terminal, Department of Education (DepEd) Building, Senior Citizens’ building, Cooperative building, Philippine National Police (PNP) building at sisimulan na rin po ang pagtatayo ng Regional Evacuation Center.”

Noong Abril 2, 2004, nagpalabas ang noo’y Pangulong Arroyo ng Proklamasyon 597 na nagkakaloob ng 10 ektaryang lupa ng Philippine Information Agency (PIA) para sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos. Ito’y upang masimulan noon ang pagtatayo ng Malolos City Government Center at mapagsama-sama ang mga tanggapan ng mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal at lokal.
Ito ang nagbunsod upang matambakan ng lupa ang 10 ektaryang lupa at sinimulan ang pagtatayo ng mga gusali. Unang naitayo rito ang Malolos Sports and Convention Center (MSCC) noong 2009. Sinundan ito ng pagtatayo ng mga gusali ng DepEd Division of Malolos, Malolos City Senior Citizens’ building.

Taong 2017 naman nang maipatayo ang bagong punong himpilan ng Malolos City Police Station para sa PNP. Sumunod na taon ng 2018, pinasinayaan ang tatlong palapag na Malolos Central Terminal na kauna-unahang proyektong imprastraktura sa Bulacan na naisakatuparan sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP). Sa ikatlong palapag naman nito matatagpuan ang bagong bukas na Department of Foreign Affairs (DFA)-Malolos Consular Office.

At sa Hunyo 24, 2019, nakatakdang pasinayaan ang limang palapag na bagong City Hall ng Malolos na nasa sentro ng 10 ektaryang lupa.

Kaugnay nito, sinimulan nang tambakan ang magiging access road para sa itatayong Malolos Regional Evacuation Center na pinondohan ng Office of Civil Defense (OCD). Matatagpuan ito sa gawing gilid ng bagong City Hall.

Samantala, ikinagalak naman ni dating Pangulong Arroyo ang positibong naging resulta sa lupang ipinagkaloob ng kanyang administrasyon 15 taon na ang nakakaraan at eksaktong siyam na taon mula nang siya’y bumaba sa pagka-pangulo. “Congratulations sa mga taga-Malolos at sa mga makikinabang sa napakagandang proyekto na ibinigay noong ako’y pangulo,” aniya.

Ito ang unang pagbabalik ng dating Pangulong Arroyo sa simbahan ng Barasoain, mula nang huli siyang tumapak dito noong Pebrero 2004. Ito’y nang kinamusta niya ang iba’t ibang sektor ng lalawigan sa panahon ng kanyang pagkandidato para sa ikalawang termino bilang. Naging panauhing pandangal na rin siya rito sa isang anibersaryo ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 2003. Pinangunahan din niya sa loob ng simbahan ng Barasoain ang luksang parangal para kay noo’y DFA Secretary Blas Ople. At noong 1998, dito siya nanumpa sa tungkulin bilang pangalawang pangulo ng Pilipinas kasabay ni noo’y Pangulong Joseph Ejercito Estrada.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here