Mabilis daw ang takbo ng panahon

0
78
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

ITO ang mga linya na madalas nating marinig sa ating mga kapitbahay, kakilala at mga kaibigan: “Napakabilis ng oras. Kanina lang ay umaga pero ngayon ay gabi na.” Parang hinahatak ang mga araw. Hindi ka man lang mainip sa isang linggo.” “Ilang tulog na lang at Pasko na. Hindi mo halos maramdaman ang paglakad ng mga buwan.”

Alam ninyo, wala namang nabago sa mga oras ng araw at mga oras ng gabi. Mula nang matuklasan ang relo o ang orasan ay umiikot pa rin tayo sa loob ng dalawampu’t apat na oras upang makabuo ng isang araw. Tulad ng pangatlong kamay ng relo — umiinog siya ng animnapung segundo sa loob ng isang minuto.

Bakit sinasabi nilang mabilis ang takbo ng panahon ngayong digital era? Ako kasi ay kapangkat ng baby boomers. Noong araw na wala pang kuryente sa mga kanayunan, nakaiinip talaga ang maghapon lalo na kung wala kang hanapbuhay o negosyo na pinagkaabalahan.

Dahil walang kuryente, nakaiinip noon ang magdamag. Walang telebisyon na palipasan ng oras. May AM radio ka naman sa bahay,  na ang maririnig sa pang umagang radio program ay si Rafael Yabut o kaya naman ay sina Johnny De Leon, at Al Mendez, ang mga sikat na radio announcer noon. Sa pang hapon programa naman ay mapapakinggan si   Kuya Cesar, ang announcer na mabagal magsalita at ang mga taong mahilig naman sa drama ay palaging inaabangan ang programa ni Tiya Dely, tuwing ika-3:00 ng hapon. Sa gabi naman ay inaabangan ang katatakutang radio program series na “Gabi ng Lagim.”

Ang mga taong baryo naman noon ay ang panahon ng pagtatanim at panahon ng anihan ng palay ang matiyagang hinihintay. Sadyang nakaiinip ang mga buwang nakapagitan sa dalawang panahon ng paggawa sa bukid kaya nakakabagot ang paghihintay ng mga okasyon tulad ng Pasko, Undas at piyesta kung saan isinasagawa ang lubinaryo ng basketball o kaya naman ay paligsahan sa awit bago ang pistahan.

Pero ngayong digital era, maraming mga bagay na pinaglilibangan ang mga bata, kabataan maging ang mga matatanda. Dahil may gadget ang bawat isa, nauubos ang maghapon sa pagdutdot ng smartphone. Hindi na nga kailangan ang TV para manood ng pelikula sa You Tube o Netflix dahil kung may smartphone at may wifi ka naman o data ay malaya kang makapapanood ng mga paborito mong panoorin kahit idikit mo pa sa cellphone ang iyong mga mata.

Wika nga, maraming lugar ang pwedeng pagpalipasan ng oras. Punta ka lang sa shopping mall at mag-ikot ka lang sa loob nito ay maraming oras ang iyong magugugol. Kapag inabot ng gutom ay maraming fast food store sa loob ng mall. Kung gusto mo namang humigop ng mainit na kape ay punta ka lang kasama ang iyong nobya, asawa, pamilya o mga kabarkada sa coffee shop at kung ayaw mo ng kape ay sa tea house.

Hindi ka naiinip dahil maraming mapaglilibangan. Hindi tulad noong panahon ng kalesa na ang pook pasyalan na maaaring puntahan ay ang Luneta Park, Manila Zoo at Nayong Pilipino. Aarkila ang magkakapitbahay ng pampasaherong jeep sa pamamasyal na kung tawagin noon ay eskarsiyon. (Pag-gora ngayon)

Pero kahit na gayon ang panahong kinamulatan ko ay talagang mamamangha ka naman sa luntiang kapaligiran. Palibhasa ay hindi pa uso ang plastic bag noon, papel at dahon lang ang makikitang basura sa lupa na madali namang matunaw. Sariwa ang hangin na malalanghap at dahil maaaga kang matulog, maganda ang kundisyon ng katawan mo dahil husto sa oras ang iyong tulog.

Hindi naman bumilis ang orasan noon at ngayon. Gayon pa rin ang takbo ng araw mula sa pagsikat sa silangan at paglubog nito sa kanluran.  Eh, ngayon, palaging puyat ang mga bata at matatanda. Cellphone na sa araw at cellphone pa rin sa gabi. Inaabot ng umaga kadudutdot ng gadget kaya inaakala nila na bumilis ang takbo ng panahon. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here