Home Bulacan Local News ‘Mag-aral kayong mabuti at manatili kayong mapagkumbaba’ — Senador Paquiao

‘Mag-aral kayong mabuti at manatili kayong mapagkumbaba’ — Senador Paquiao

27
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — “Mag-aral kayo ng mabuti at manatili kayong mapagkumbaba. Gamitin ninyo ang edukasyon para makapaglingkod sa bansa at makatulong sa mga tao. Tandaan ninyo: kahit gaano pa kalawak ang inyong kaalaman kung hindi naman maayos ang inyong pag-uugali, kulang pa rin ang inyong pinag-aralan.”

Ito ang mensahe ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao sa libu-libong mga kabataang Bulakenyo na dumalo sa Scholar’s General Assembly 2019 na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium dito kahapon.

“I am here to tell you: Never let your limitations limit you. Keep learning, keep growing and never stop learning because life never stops teaching,” anang People’s Champ.

Bilang panauhing tagapagsalita, hindi lamang binigyang inspirasyon ni ‘Pacman’ ang mga kabataan na maging mas mahusay na bersyon ng kanilang mga sarili, pinangunahan din niya ang pamamahagi ng scholarship grants kasama sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado.

Sa ilalim ng ‘Tulong Pang-Edukasyon para sa Kabataang Bulakenyo’, may kabuuang 3,980 iskolar na nag-aaral sa mga pribadong paaralan at mga institusyon sa lalawigan ang tumanggap ng scholarship grants na nagkakahalagang P3,500 at may kabuuang 300 estudyanteng kumukuha ng master’s degree ang tumanggap ng P5,500.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Fernando ang mga iskolar na samantalahin at gamitin ng maayos ang oportunidad na ibinigay sa kanila.

“Sikapin sana ninyong makapagtapos at maging mahusay sa napiling larangan sapagkat sa nalalapit na panahon, kayo po ang makikinabang sa mga biyayang darating sa ating lalawigan,” anang gobernador.

Sinabi naman ni Patricia Alcantara, isang estudyante sa La Concolacion University of the Philippines na isang pribilehiyo ang maging iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

“Isang pribilehiyo po itong ipinagkaloob sa amin ng pamahalaan. Bilang mag-aaral po, sisikapin ko na makapagbalik ng utang na loob sa bayan at gagawin ko po ‘yung part ko bilang mamamayan,” ani Alcantara. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here