Magastos na exploration sa planet Mars

0
129
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

PATULOY ang paligsahan sa pagpapadala ng spacecraft sa planetang Mars at kung may bansa na masyadong ambisyoso sa karerang ito ay ang Estados Unidos, na siya ring unang bansa na nakapagpalapag ng robotic vehicle sa red planet.

Ang kaunaunahang robotic rover na bumiyahe at nakalapag ng Mars ay ang Pathfinder’s Sojourner Rover, na naitala noong July 6, 1997. Ang Sojourner Rover ay isang six-wheeled vehicle na pinaaandar sa pamamagitan kuryente na likha ng solar panel at mayroon itong sensor kaya napapagalaw gamit ang remote control mula sa operator na narito sa daigdig.

Maikli lang ang naging papel ng Sojourner sa Mars, kakaunti rin ang mga larawang naipadala nito sa planet Earth. Mula sa buwan ng Hulyo 1997 ay huling nagbigay ng signal sa daigdig ang naturang robotic rover noong Setyembre 27, 1997 at mula noon ay hindi na ito nakontak.

Ang pangatlong robotic rover na matagal nang nagbibigay ng impormasyon sa daigdig, sa kanyang operator ay itong Curiosity rover na inilunsad noong November 26, 2011 at lumapag sa Mars noong August 6, 2012. Mula noon hanggang ngayon ay patuloy na nagpapadala ng mga larawan at video footages sa daigdig na kanyang kuha ang Curiosity.

Sa pamamagitan ng mga camera na nakakabit sa Curiosity ay malinaw na nakukuhanan ang mga lugar na pinupuntahan nito tulad ng Mt. Sharp, sa Mars at ipinadadala naman sa National Aeronautic Service Administration (NASA) Marami ng mga larawan at video footages ang naipadala sa NASA ng Curiosity rover.

Sa aking sariling opinyon, ano nga ba ang mapapala ng America sa kanilang misyon na galugarin ang kalupaan at mga kabundukan ng Mars, gayong pawang mga larawan ng bato, buhangin at lupa lang ang naipapadala ng Curiosity sa daigdig. Patay na planeta pala ang Mars at wala ni isang buhay na nilalang na nakuhanan ang mga camera ng Curiosity sa naturang planeta sa loob ng walong taon nitong pamamalagi sa nasabing planeta.

Paano nga mabubuhay ang anumang nilalang sa Mars kung manipis ang atmospera sa palibot nito. Ano pa kayang pruweba ang kailangan ng mga Kano, para patunayan na may buhay na nilalang sa naturang planeta? Kung sabagay, baka nga doon umuuwi ang mga allien mula sa sinasakyan nilang flying saucer, katulad napapanood natin sa pelikula.

Pero may isang bagay na gustong makuha sa Mars ang mga Amerikano, ang makakuha ng lupa o bato mula sa Mars upang alamin at tuklasin sa pamamagitan ng siyensiya kung nagkaroon ng tubig sa planetang Mars baho ito natuyot. Dahil dito, inihahanda na ng NASA, ang isa pang robotic vehicle na pinangalanang Perseverance. Baka ang spacecraft na ito ang siyang kukuha at magdadala sa Earth ng sample na bato at lupa buhat sa Mars.

Ayon sa ulat, pag-aaralan daw ng mga ekspertong Kano ang mga bato at lupa buhat sa Mars at tutuklasin nila kung nagkaroon ng tubig sa Mars, bago pa man ito natuyot. Ipagpalagay na minsang nagkaroon ng sapa, ilog o dagat sa Mars, hindi ba dapat na mayroong vegetation doon at kung tumubo ang mga halaman at mga punongkahoy sa kalupaan ng Mars, bakit wala man lang makitang palatandaan na nagkaroon ng vegetation sa Mars, ayon sa mga larawang kuha ng Curiosity?

Pawang mga bato at lupa lang nakita sa mga larawan at wala ni isang ugat ng punongkahoy na nakuhanan ng camera. Para sa akin, pag-aaksaya lang ng salapi ang paglulunsad ng mga spacecraft sa Mars. Kung ano man ang balak ni Uncle Sam sa planetang Mars sa mga darating na henerasyon ay Diyos lamang ang nakababatid. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here