Home National News Mahigit 4,000 Bulakenyo tumanggap ng serbisyong pangkalusugan mula sa PhilHealth

Mahigit 4,000 Bulakenyo tumanggap ng serbisyong pangkalusugan mula sa PhilHealth

47
0
SHARE

CITY OF MALOLOS, Bulacan — Mahigit 4,000 na mga Bulakenyo mula sa limang distrito ang nahandugan ng pangunahing serbisyong pangkalusugan matapos silang pagkalooban ng Member Data Record (MDR) mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ginanap na “Launching of Alaga Ka Program sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito nu’ng Lunes.

Ang nasabing programa ay inisyatiba ng PhilHealth sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na naglalayong ipaalam at turuan ang mga Bulakenyo hinggil sa mga benepisyong kanilang makukuha sa pagiging miyembro nito.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena Joson-Tiongson, ang PhilHealth ang namili ng benepisyaryo sa probinsya sa pamamagitan ng National Household Targeting System kung saan pumili ng may tig-150 na benepisyaryo mula sa 21 munisipalidad at tig-300 na benepisyaryo naman mula sa Lungsod ng Malolos at sa mga bayan ng Pulilan at Plaridel.

Ayon kay Social Insurance Officer Angelica Del Mundo, ang mga miyembro ng PhilHealth ay may pribilehiyo para sa libreng konsulta, visual inspection, regular na pagkuha ng BP, breastfeeding program education, periodic clinical breast examinations, counselling for lifestyle modification, counselling for smoking cessation, body measurements at digital rectal examination.

Maaari din na magamit ng mga miyembro ang libreng diagnostic examinations gaya ng complete blood count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fasting blood sugar, lipid profile at chest x-ray at maging sa pagbili ng mga gamot para sa hika kasama na ang nebulization services, AGE with no mild dehydration, URTI/pneumonia na may minimal o low risk at UTI.

Samantala, ipinaliwanag ni Mary Rose Cruz, Social Officer mula sa PhilHealth, na maaari lamang magamit ng walang patid ang benepisyo para sa panganganak at tanging asawa, magulang o anak lamang ang maaaring kumuha ng claim o kung sino man ang nakatala na benepisyaryo sa MDR.

Sinuportahan din nina Gobernador Wilhemino M. Sy-Alvarado at Bise Gobernador Daniel R. Fernando ang programa at ipinaalala sa mga Bulakenyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na kalusugan.

“Pangalagaan natin ang ating kalusugan sapagkat ito ang ating puhunan sa paghahanap-buhay. Malaking tulong ang benepisyo ng Philhealth subalit huwag naman sana magamit sa mga di kanais-nais na pangyayari,” ani Alvarado.

Ayon pa kay Alvarado, patuloy na pagsasaayos ng mga distict hospital upang makapagbigay ng maaayos na serbisyo para sa mga Bulakenyo.

“Kaya naman atin ding binibigyan pansin ang pagsasaayos ng ating mga district hospitals at pagdadagdag ng mga facilities para patuloy na mabigyan ang ating mga kababayan ng sapat na serbisyo base sa kanilang pangangailangan,” aniya.

Dumalo din sa programa si Senador Cynthia Villar bilang pangunahing tagapagsalita kung saan kanyang inanunsyo ang Universal Health Care Bill, isang batas na magbibigay ng heath care coverage para sa mga Pilipino na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019.

Samantala, nagpasalamat naman si Michelle Daquigan, benepisyaryo mula sa Lungsod ng Meycauayan at malapit nang manganak, sa PhilHealth at sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

“Malaki ang matutulong nito sa panganganak ko lalung lalo na sa mga gastos sa ospital at gamot,” aniya. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous article3-Day Sale, battle of the bands in full swing at SM Center Pulilan
Next article‘Social Pension’ sa mga senior citizens pangako ni dating Mayor Rico Roque ng Pandi
ROSETH Eleogo Reyes or RR Eleogo is one of the owners of RONDA Balita. A single mother from Bulakan, Bulacan, and formerly an account officer and columnist of NewsCore, a local newspaper in Bulacan. She also worked in quality control department of Mighty Corporation. A part-time advertising representative of Remate, a national newspaper. She served as Director of Philippine Science Journalists Association Inc. Bulacan Chapter and member of National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)- Bulacan Chapter. She won recently as Board of Directors of Bulacan Press Club.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here