Home EXTRAFONTS Malagim na ala-ala ng Ozone Disco

Malagim na ala-ala ng Ozone Disco

25
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

TUWING sumasapit ang buwan ng Marso, sumasagi sa aking isipan ang malagim na trahedyang nangyari sa Timog Avenue, kung saan isang panggabing aliwan doon ang nasunog na kumitil sa maraming buhay.

Dalawampu’t tatlong taon na ang nakakalilipas at marahil ay nagbabalik sa ala-ala ng mga survivor sa Ozone Disco tragedy ang malagim na alaala na hindi nila malilimutan habang sila ay nabubuhay.

Nangyari ang trahedya noong ika-18 ng Marso 1996 ika-11:35 ng gabi. Ayon sa ulat, kasalukuyang nagkakasayahan ang mga kabataang mag-aaral ng kolehiyo at high school ng gabing iyon nang mangyari ang trahedya.

Ayon sa datos, humigit kumulang sa 300 estudyante ang nasa loob ng Ozone Disco Pub, ng oras na iyon hindi pa kabilang ang mga empleyado ng Ozone.

Ayon sa mga arson prover, sadyang maliit ang sukat ng naturang night club sa gayong kalaking bilang ng mga parukyano. Marahil ay ang mga estudyante na rin ang may gusto na sa isang establisimyento na lang sila magsama-sama dahil para iyon sa kanilang end of the school year celebration. Isa pa, may 50% diskwento umano sa party goers.

Dahil disco pub, may lighting effects ang bawat tugtugin kaya ayon sa mga survivor, inakala nila na bahagi ng special effect ang mga kislap o spark na kanilang nakikita sa booth hanggang sa gumapang ang short circuit sa linya ng kuryente sa kisame kung saan naroon ang makukulay at patay-sinding mga ilaw.

Pero simula na pala ng sunog ang pagkikislapan ng mga kawad ng kuryente na kanilang natatanaw at nang mamatay ay mga ilaw sa loob ng disco pub ay noon na kumalat ang makapal na usok kaya nag-panic ang mga parukyano, ayon na rin sa kwento ng ilan sa 92 kataong nakaligtas sa disco inferno.

Sa pagsisiyasat na isinagawa ng mga awtoridad, lumabas sa imbestigasyon na walang lugar sa likod o sa mga gilid ng Ozone Disco na maaaring labasan ng mga tao sa loob dahil kung mayroon mang pinto sal likod o sa gilid ng Ozone Disco ay may mga gusali namang nakatayo at ang nag-iisang exit doon ay ang mismong main door.

Ayon pa sa imbestigasyon, ang pinto ng main door ng Ozone ay papasok (inward) ang pagbukas at hindi palabas kaya doon naipon ang karamihan sa 162 casualties sa nasabing trahedya. Kaya matapos ang imbestigasyon sa pangyayari ipinagbawal na sa gayong uri ng establisimyento ang pintong inward ang pagbukas at swing door na lang ang pinayagan ng mga awtoridad.

Ngayong panahon ng tag-init dapat na inaalam muna ng mga taong mahilig sa night life na ligtas ang establisimyento na kanilang pupuntahan. Seguraduhin na may fire exit ang gusali na walang sagabal sa oras ng emergency.

Kapag mainit ang panahon at overloaded ang linya ng kuryente sa rami ng mga ilaw, mga aircon at mga aparatong. Nakasaksak sa mga outlet, dahilan iyon para mag-init ang kawad at kapag lumikha ng apoy ang short circuit sa electrical wiring ay doon na magsisimula ang sunog.

Mag-ingat po tayo hindi lamang sa panahon ng “Fire Prevention Month”, tuwing buwan ng Marso kungdi sa lahat ng panahon. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleHugpong senatorial bets invade Province of Bulacan
Next articleNagkapit-bisig para sa sambayanan!
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here