Home EXTRAFONTS Malaking hamon kay Sander Tantoco

Malaking hamon kay Sander Tantoco

63
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NAKAPANAYAM ng Bulacan media si G. Sander Tantoco, kasalukuyang kandidato sa pagka-kongresista sa Unang Distrito ng Bulacan at hindi na nga nagpatumpik-tumpik pa ang mga mamamahayag na nagtanong sa kinakapanayam na kandidato — direct to the point agad.

Maraming ‘bakit’ na ibinato ang media kay Sander at kanya namang sinagot ang mga tanong. Ang unang tanong ay ito: “Anong puwersa ang nagtulak sa iyo upang pumalaot sa larangan ng pulitika?”

Tipikal niyang sinagot ang tanong na iyon at sinabing gusto niyang maglingkod sa kanyang mga kababayan sa Distrito Uno, ng Bulacan. Ang kanyang tugon ay may kalakip na paglingap sa kanyang mga kababayan.

Ang isa pang tanong kay Mr. Tantoco ay kung kaya ba niyang tapatan ang malaking halagang puhunan ng kanyang makakatunggali sa pagka-diputado.

Hindi niya tuwirang tinugon ang naturang tanong dahil alam na niya marahil na mabigat ang kanyang makakalaban sa congressional race na isang anak ng kilalang political bigwig ng Bulacan.

Kanya pang sinabi na ang kanyang matapat na paglilingkod ang ipapangako niya sa mga mamamayan ng distrito na kanyang irerepresinta sa Kongreso, sakaling pagtiwalaan siya ng kanyang mga kababayan.

Sinabi pa ni Tantoco na kanyang aayudahan ang mga kabataan sa pamamagitan ng paghahain sa Kamara ng mga makabuluhang panukalang batas na makatutulong sa hanay ng mga kabataan.

Ang angkan ng mga Tantoco ay kilalang kilala sa Lungsod ng Malolos. Ibinida nga si Sander na ang kanyang ama ay dating namamalaisdaan at ang larangan ng agri-business ang nagpayabong ng kanilang kabuhayan.

Sabi nga ni G. Tantoco, noong panahon daw ng kanyang kabataan ay malimit siyang pumunta sa kanilang palaisdaan, lalo kung panahon ng pag-ani ng mga alagang bangus.

Lagi daw bumabalik sa kanyang alaala ang sandali na hinahatak paahon sa palaisdaan ang lambat na puno ng nga bangus. Nakatutuwa anyang panoorin ang naglulundagang bangus habang hinahango sa tubig ang lambat.

Dahil sa gayong uri ng ng negosyo ay nakilala sa hindi lamang sa Malolos ang pangalang Tantoco kundi maging sa mga bayang may latian tulad ng Bulacan, Paombong at Hagonoy. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleMay benepisyo sa pangangalaga sa katawan
Next articleDuterte says UNCHR ex-chief’s statement about his mental health made him cry
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here