Home EXTRAFONTS Malaking tulong ang libreng dialysis

Malaking tulong ang libreng dialysis

44
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

HINDI biro ang pagsailalim sa dialysis treatment dahil malaking pasanin sa hanay ng mga pasyente, maging sa kanilang mga kapamilya ang malaking gastusin sa tuwing isinasailalim sa dialysis ang pasyente.

Ang mga may kayang pasyente na nagpapa-dialysis ay gumagasta ng 25 hanggang 46 na libong piso kada buwan. Kung nagdurusa sa pagbabayad ng serbisyo sa dialysis machine ang pasyente, tumatabo naman sa kita ang mga klinikang nagseserbisyo sa ganitong kaso sa dami ng mga pasyenteng nagpapalinis ng kanilang mga kidney.

Mayroon namang mga dialysis machine sa mga pampublikong pagamutan, pero hindi sapat ang naturang mga makina dahil sa dami ng mga mahihirap na pasyente na nagpapa-dialysis. Hindi rin ora mismo ay maseserbisyuhan ang pasyente sa public dialysis center dahil iniiskedyul pa ang mga pasyente kung anong araw sila babalik sa dialysis center.

Kailangang kumuha ng indigency certificate sa barangay ang pasyenteng walang kakayahang magbayad sa serbisyo ng dialysis center upang hindi sila hingan ng service fee sa public dialysis center.

Kaya marami ang natuwa sa pagkakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 09156 na mag-oobliga sa mga pampublikong gobyerno na magbigay ng libreng dialyis treatment para sa mahihirap na pasyente.

Kung maisasabatas na ang panukalang ito, hindi na mag-iintindi sa gastos ang mga mahihirap nating kababayan na magpa-dialysis dahil libre na ang serbisyo ng dialysis machine kapag ang batas ukol dito ay ganap na napagtibay.

May mga pasyente na nagpapa-dialysis ng isang beses kada linggo at meron din namang tatlong beses kada linggo, depende sa dami ng mga bawal na pagkain na kanilang nakain at maraming tubig na nainom.

May sukat kasi ang tubig na dapat inumin ng pasyente sa maghapon at may pagkain na bawal kainin upang hindi dumalas ang dialysis session. Kapag hindi na kasi nagpa-function ang kidney, hindi na rin malilinis ang dugo ng taong sira na ang bato kaya kailangan niyang sumailalim sa dialysis treatment.

Kaya dapat ang ibayong pag-iingat upang hindi masira ang bato. Ang pangunahing sanhi ng pagkasira ng kidney ay ang hindi nagagamot na high blood pressure at diabetes. Sanhi rin ng pagkasira ng bato ang ilang uri ng pain reliever, ayon sa mga duktor ng medisina.

Ang labis na pag-inom ng alcoholic drinks at iba pang artipisyal na inumin ay nakasisira ng bato kaya iwasan ang mga pagkain at inuming nakasasama sa katawan lalo na sa kidney. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous article5 fugitives collared by Bulacan police
Next article‘Nangungumlimbat’ na tauhan ng gobernador
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here