Malolos public market, bukas mula alas-5 ng umaga hangang alas-3 ng hapon

0
391
Magbubukas mula alas-5 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon ang Pamilihang Lungsod ng Malolos. Ito ang ipinag-utos ni Malolos City Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian (kanan) sa bisa ng inilabas niyang Executive Order 22 series of 2020, alinsunod sa umiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine na idineklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang sugpuin ang COVID-19. (Larawan mula sa CIO Malolos)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Naglabas ng Executive Order 22 series of 2020 si Malolos City Mayor Gilbert “Bebong”Gatchalian na nagtatakda na magbubukas ang Pamilihang Lungsod ng Malolos sa ganap na alas-5 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

Magsisimula ito ng Marso 19, 2020, bilang pagtugon sa ipinaiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine upang masugpo ang sakit na Corona Virus Disease (COVID-19). Ayon sa punong lungsod, itinakda ito upang masiguro na masunod ang pagpapatupad ng curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Ang Pamilihang Lungsod ng Malolos ay siyang pinakamalaking palengke sa buong Bulacan na 24 oras na bukas sa karaniwang mga panahon.

Bahagi rin ng kautusan ang pagbabawal na makapasok ang anumang uri ng sasakyan sa loob ng palengke, kaya’t pansamantalang nilagyan ng mga barikada ang lahat ng mga lagusan na papasok at palabas sa nasabing palengke.

Dahil dito, bibigyan ng exemption ang mga sasakyan na magdi-deliver ng mga suplay na ititinda rito partikular na ang mga pagkain.

Nagtalaga naman ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa mga pasukan at labasan ng palengke upang magsagawa ng mga Thermo-scanning at mag-spray ng alcohol sa bawat mamimili.

Tanging ang mga tindahan at mga nagtitinda lamang ng mga pangunahing pangangailangan ang uubrang magbukas o magtinda. Tinukoy sa executive order ni Mayor Gatchalian partikular ang Bigas, Mais, mga root crops, Tinapay, Isdang sariwa, tuyo o delata; mga pagkaing yamang dagat, sariwang mga karne ng Baboy, Baka, Manok, Itlog, tubig, Gatas, gulay at prutas, noodles, Kape, Asukal, Mantika, Asin at mga pangsangkap.

Pwede ring magbukas ang mga nagtitinda ng sabon, pakaen sa Baboy at mga patuka ng Manok, veterinary products, hardware products, mga Baterya at mga electrical supplies.

Kaugnay nito, alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang Pilipinas ay nakapailalim na rin sa State of Calamity, mahigpit na ipapatupad sa Pamilihang Lungsod ng Malolos ang Price Control. Ayon kay Lito C. Zuniga, market master nitong palengke, kinakailangan na hindi lalagpas sa itinakdang Suggested Retail Price (SRP) ang lahat ng uri ng mga itinitinda sa palengke.

Sa madalas na pagsasagawa ng mga inspeksiyon ng pamunuan nitong palengke, laksa-laksang mga Saging ang kinumpiska dahil pagtitinda na may labis na presyo. Nahuling itinitinda ang isang piling ng Saging na Tundan sa halagang P150 sa halip na dapat ay mula P70 hanggang P80 lamang.

Samantala, kinakailangan isang kasapi lamang ng pamilya ang uubrang makapasok sa palengke at bawal magsama ng bata.

Source: PIA Bulacan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here