Home El Tirador Mamamayan nababahala na sa sunud-sunod na pamamaslang sa mga public officials

Mamamayan nababahala na sa sunud-sunod na pamamaslang sa mga public officials

177
0
SHARE
An opinion column of Roberto Illut

NAKAAALARMA na ang mga nabalita sa telebisyon, radyo, pahayagan at news online hinggil sa mga sunud-sunod na insidente ng pamamaslang sa mga opisyal sa hanay ng gobyerno lalong higit sa mga ordinaryong mamamayan ng ating bansa.

Kung inyong magugunita ay kamakailan lamang ang naganap na pagpaslang sa pamamagitan ng pamamaril kay Tanauan City Mayor, Batangas Mayor Antonio Halili nitong nakalipas na Lunes ng umaga (Hulyo 2) sa kasagsagan ng flag raising ceremony sa harap mismo ng munisipyo.

Ang naturang krimen ay agad namang sinundan ito ng nangyaring pananambang naman kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote nang paulanan siya ng bala ng baril habang lulan ito ng kanyang Toyota Fortuner na tinatahak ang Barangay Imelda na bahagi ng Maharlika Highway nitong nakaraang Martes ng bandang alas 4:50 ng hapon.

Tila panis na ang mga estratehiya ng tanggapan ng Philippine National Police (PNP) kung saan nangangailangan ng matinding “Level Up” ang mga ito sa paglutas ng mga malalaking kaso ng kriminalidad sa bansa. Kung paanong sadyang kay bilis ng takbo o galaw ng teknolohiya ay dapat ding maagap at mabilis ang pag-upgrade sa mga pamamaraan at pagkilos na ginagawa ng Pambansang Pulisya.

Sa napakalaking pondo na taun-taon na nalilikom ng pamahalaan sa kabang-bayan ng Pilipinas kung saan umaabot ito ng trilyun-trilyong piso ay marapat lamang na napopondohan ng wasto ang tanggapan ng PNP para sa nasabing layunin pero may kaakibat na totohanang ‘accountability’ o pananagutan ang sinumang opisyal o kawaning mapapatunayang kinukulimbat ang kahit kakaramput na halaga mula sa badyet.

Kailangan din na dibdibang sumailalim sa comprehensive orientation at ‘rigid training’ ang ating mga kagawad ng pulisya upang may baon silang sapat na kaalaman sa mga polisiya at mga batas sa pagresolba sa sandamakmak na mga kaso ng krimen sa ating lipunan.

Tumpak ang pahayag kamakailan lang ng pamunuan ng Commission on Human Rights o CHR na talagang nakakabahala na ang magkakawing-kawing o serye ng mga kaganapan ng karahasan maging ito man ay sa lungsod o sa lalawigan at ang anila wari nagiging kultura na ang nangyayaring karahasan at walang takot na pagpatay sa ating mga kapwa kababayan.

Kaya ang ating marubdob na panawagan sa ating mga kinauukulan ay maging lalo pang maging magiya at creative sa pagbalangkas ng mga solusyon at polisiya para sa mabilis na ikalulutas ng napakaraming mga kriminalidad at paghuli sa mga kriminal o mga taong lumabag sa batas. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here